IRAN TALKS PARA SA LIGTAS NA PAGDAAN NG PH-BOUND VESSELS TINITINGNAN NI PBBM

NAIS ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magkaroon ng high-level engagement sa Iran upang matiyak ang ligtas na pagdaan ng mga barkong may dalang langis patungong Pilipinas sa Strait of Hormuz.

Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, inatasan ng Pangulo ang Department of Foreign Affairs (DFA) na magsagawa ng kaukulang hakbang kaugnay nito.

Sinabi rin ni DFA Secretary Ma. Theresa Lazaro na plano niyang makipagpulong sa Iranian Ambassador to Manila na si Yousef Esmaeil Zadeh upang matalakay ang seguridad ng mga oil tanker na papasok sa bansa.

Ito ay kasunod ng pangangailangan ng Pilipinas na matiyak ang sapat na suplay ng langis sa gitna ng tumitinding tensyon sa Gitnang Silangan at banta ng global fuel shortage.

Nauna nang nakipagpulong ang Pangulo sa mga miyembro ng UPLIFT (Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport) Committee, isang inter-agency task force na binuo bilang tugon sa idineklarang national energy emergency.

Ayon kay Castro, inaasahang magaganap ang pakikipagpulong ni Lazaro sa Iranian ambassador sa mga susunod na araw.

Kumpiyansa naman ang pamahalaan na magiging maayos ang takbo ng pag-uusap dahil sa magandang relasyon ng Pilipinas at Iran.

(CHRISTIAN DALE)

69

Related posts

Leave a Comment