ISA pang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte ang ang pormal na inihain kahapon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na inendorso ng tatlong mambabatas mula sa Makabayan bloc.
Ito ang pangalawang impeachment case na isinampa laban kay Duterte dahil noong Lunes, December 2, 2024 ay naunang nang naghahain ng reklamo ang Civil Society Group.
Gayunpaman, kumpara sa unang impeachment complaint, tanging ang betrayal of public trust ang nilalaman ng pangalawang kaso na inihain ng 75 complainants mula mula sa iba’t ibang progresibong grupo sa pangungunan ng Bayan Muna.
Sa unang impeachment complaint na inendorso ni Akbayan party-list Rep. Perci Cendaña, 5 ang ikinaso ng Civil Society group kay Duterte na kinabibilangan ng betrayal of public trust, graft and corruption, culpable violation of the constitution, bribery at other crimes.
Pangunahing dahilan sa isinampang kaso ng progresibong grupo na inendorso nina Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas, ACT party-list Rep. France Castro at Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel ang maling paggamit umano ni Duterte sa kanyang confidential funds noong 2022 at 2023.
“The Vice President’s brazen misuse of more than half a billion pesos in confidential funds, particularly the suspicious liquidation of P125 million in just 11 days at the end of 2022, represents a grave betrayal of public trust,” ayon sa isa sa mga complainant na si dating Bayan Muna party-list Rep. Teddy Casino.
Bukod sa confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) noong 2022, kinukuwestiyon din kung saan ginamit ni Duterte ang kanyang P650 million confidential funds na kinabibilangan ng P500 million sa OVP at P150 Million sa Department of Education (DepEd) na dati nitong pinamumunuan.
“Ang paglustay ng confidential funds ay isang malaking pagtataksil sa taumbayan. Hindi lang ito simpleng technical violation kundi sistematikong paglulustay at pagnanakaw sa kaban ng bayan,” ayon naman kay dating Gabriela party-list Rep. Liza Maza na kabilang sa 75 complainant.
Sinabi naman ng isa pa sa mga nagreklamo na si dating Bayan Muna party-list Rep. Neri Colmenares na pagtataksil sa bayan ang pagtatakip umano ni Duterte sa issue sa pamamagitan ng pagbabanta, pananakot at pag-iwas sa pananagutan imbes.
“Taliwas ito sa sinumpaang tungkulin ng Vice-President na maging ísang accountable public official,” ani Colmenares. (BERNARD TAGUINOD)
