KINUMPIRMA ng DOJ na may isa pang warrant of arrest laban kay gaming tycoon Charlie “Atong” Ang na hanggang ngayon ay hindi pa nailalabas ng korte.
Ayon kay Prosecutor General Richard Anthony Fadullon, inaalam pa ng DOJ kung bakit hindi pa naglalabas ng warrant ang Regional Trial Court ng San Pablo, Laguna kaugnay ng kaso ng mga nawawalang sabungero.
Hindi rin masabi ni Fadullon kung may inihaing mosyon ang kampo ni Ang upang ipawalang-bisa ang warrant kaya ito naantala.
Nauna nang naglabas ng warrant ang RTC ng Sta. Cruz, Laguna at Lipa City, Batangas kung saan nahaharap si Ang sa mga kasong kidnapping with homicide at kidnapping and serious illegal detention.
Patuloy ang manhunt operation laban kay Ang na sinasabing nakalabas na umano ng bansa sa pamamagitan ng backdoor. Samantala, mariing itinanggi ng NBI na may mga tauhan itong nasusuhulan upang hindi madakip ang pugante.
Nanindigan din ang NBI na nasa loob pa rin ng bansa ang puganteng negosyante.
Sa panayam kay Atty. Angelito Magno, acting director ng naturang kawanihan, naniniwala umano silang nasa Pilipinas pa rin si Ang.
Patuloy aniya ang ‘manhunt operations’ ng ahensya upang mahanap at matukoy ang lokasyon nito.
Dagdag pa niya, nakikipag-ugnayan din sila sa iba’t ibang mga embahada ng bansa sakali mang may impormasyon nagsasabing nakalabas na ito ng bansa.
(JULIET PACOT)
1
