ISAILALIM ANG BANSA SA MGCQ

PABOR ako sa kahilingan ng National Economic and Development ­Authority (NEDA) kay Pangulong Rodrigo Duterte na ilagay na ang buong bansa sa modified ­general community quarantine (MGCQ) simula sa Marso 1.

Ang katwiran ng NEDA ay kailangang paluwagin na ang umiiral na GCQ upang sumulong at makabawi ang ekonomiya.

Ganito rin ang posisyon ni Presidential Consultant for ­Entrepreneurship Joey Concepcion dahil kumbinsido siyang higit na mahihirapang makabangon ang ekonomiya ng bansa kung mananatili sa GCQ ang limitasyong ideneklara ni Duterte ilang buwan na ang nakalipas hanggang kasalukuyan.

Naniniwala ako kina NEDA Acting Secretary Karl Kendrick Chua at Concepcion.

Pabor na pabor ako sa posisyon nila.

Labis na napakalala ng kalagayan ng ekonomiya ng ating bansa.

Ang negatibong mahigit siyam na porsiyentong gross domestic product (GDP) nitong 2020 na siyang pinakamasahol mula noong 1946 ay walang ibang kahulugan, kundi bagsak na bagsak ang ating ekonomiya.

Limang milyon ang nawalan ng trabaho nitong 2020, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Tapos, sabi pa ng DOLE na nitong Enero ay nadagdagan pa uli ito ng 133,315 na mga manggagawa kung saan mahigit 25,000 rito ay permanenteng wala nang trabaho.

Isama pa natin sa mga problemang ‘yan ay ang hindi matapus-tapos na sobrang taas ng presyo ng mga bilihin tulad ng baboy, manok, isda, gulay, bigas at marami pang iba.

Kung ganyan, walang dudang patuloy ring nababawasan ang kilo ng mga binibili ng mga manggagawa dahil nanatiling maliit pa rin ang kanilang sahod na nagsimula nang manalasa ang ­COVID-19.

At ang maliit na buwanang sahod na ito ay wala ring tigil na nababawasan ang halaga nito, o ang tinatawag na “purchasing power”.

Kumbinsidung-kumbinsido ako na magpapatuloy ito hanggang sa susunod na taon kapag walang gagawing ­mapagpasyang hakbang si ­Duterte upang harangin ang ­napakasamang nangyayari sa kalagayan ng mga manggagawa, sa partikular, at sa ekonomiya ng bansa, sa pangkalahatan.

Kahit iyabang ng mga senador at kongresista sa ­publiko na linagdaan na ni Duterte ang ipinasa nila ang ganito at ganoong panukalang batas upang “mabilis na makabangon” ang ekonomiya ay wala pa ring mangyayari sa buhay ng mga manggagawa at ekonomiya.

Ito’y dahil milyun-milyon ang walang trabaho sa kanila.

Ibig sabihin, milyun-milyon din ang walang pera sa kanila.

Kailangan nila ang trabaho upang tuluy-tuloy silang magkapera na regular nilang ipambibili ng mga

pangangailangan nila kada araw.

Kung bibigyan sila ng limang libong ayudang pera ng DOLE at ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay siguradong hindi ito magkakasya sa buong isang buwan dahil – uulitin ko po – masyadong mahal ang presyo ng mga bilihin.

Kahit magbigay ang mga politiko at mga taong kabilang sa non-government organizations (NGOs) na nagbabalak tumakbo sa halalang 2022 ng dalawang kilong may amoy na bigas, noodles at sardinas ay hindi pa rin aayos ang buhay nila dahil nanatili ang sagka sa kanilang pagkilos.

Ang sagkang ito ay ang pananatili ng GCQ.

Sa ilalim ng GCQ, nasisita at nakakasuhan pa ang mamamayang hindi sinusunod ang mga alintuntunin hinggil sa pag-iwas sa COVID-19.

Ngunit, kung ang mga ­katulad nina Senador Emmanuel Pacquiao, Presidential Spokesperson Harry Roque Jr., at iba pang opisyal ng pamahalaan ay absuweto.

Kaya, hindi makakilos nang maayos ang ordinaryong mamamayan dahil ang totoong nagaganap ay sa kanila lang nakabantay ang batas.

Silang mga maralita ang pinaparusahan, samantalang ang mga senador at opisyal ng pamahalaan na mistulang nangangampanya na habang nagsasalita sa harapan ng napakaraming tao ay walang linabag na batas at anomang alituntunin hinggil sa pag-iwas sa COVID-19.

Pokaragat na ‘yan!

Kaya, upang makakilos ang ordinaryong mamamayan para makapaghanap-buhay nang hindi nagdadalawang – isip na mayroong silang linabag na batas at alituntunin ay ilagay na sa MGCQ ang buong bansa.

At upang magkaroon sila ng hanap-buhay, buksan na ang malaking porsiyento ng mga negosyong pasok sa kategoryang Micro, Small, Medium Enterprises (MSMEs).

Sabi nina Concepcion at Sergio Ortiz – Luis ng Employers Confederation of the ­Philippines (ECOP), mayorya ng MSMEs ay sarado dahil sa limitasyong itinakda ng ‘pagsasara’ ng ekonomiya mula noong enhanced community quarantine (ECQ) pa hanggang GCQ.

Sabi pa nga ni Luis, malabong pagbigyan ng mga negosyanteng MSMEs ang kategorya ng kanilang mga negosyo ang kahilingan ng mga manggagawa na dagdagan ang kanilang sahod dahil sarado ang karamihan sa kanila at ang mga bukas ay lugi raw.

Ang punto nina Luis at Concepcion, ilagay na sa MGCQ ang buong bansa upang umusad at makabangon ang mga negosyante upang magkaroon ng trabaho ang mga manggagawang nawalan ng trabaho – at isusunod ang umento sa kanilang suweldo.

Maganda ‘yang punto nila.

Lalo pa kung totoo ang malasakit nila sa mga manggagawa, maliban sa ‘kalunus-lunos’ na kalagayan ng mga kapitalista.

Totong mahirap at napakadelikado dahil hindi ­mapagpasyang nalulutas ng bansa ang COVID-19 at ­ pumapasok na ang United Kingdom ­Variant na COVID-19 sa bansa na sinasabing higit na masahol kaysa naunang COVID-19.

Ngunit, kung tuluyang dadausdos ang ekonomiya, kung magpapatuloy na libu-libong mamamayan ang mawawalan ng trabaho kada buwan at sisirit pang muli pataas ang presyo ng mga bilihin ay pihadong higit na napakahirap ng ating buhay sa mga susunod na buwan at taon, lalo na iyong sobra-sobrang napakahirap ng buhay.

143

Related posts

Leave a Comment