Isama pati pamilya BBM: HCWs BIGYAN NG LIBRENG GAMOT AT VITAMINS

HINDI lamang tamang suweldo at benepisyo ang dapat matanggap ng lahat ng health workers sa bansa, kundi dapat ding pangalagaan ang kanilang kalusugan at kapakanan ng kanilang pamilya.

Ito ang binigyang-diin ni Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard bearer Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., kasabay ng panawagan sa pamahalaan partikular sa Department of Health, na pag-ukulan din ng pansin ang pamilya ng lahat ng medical frontliners dahil sila mismo ang unang nahahawa ng kinatatakutang COVID-19.

Ayon kay Marcos, tanggap na ng bawat health workers ang panganib na kanilang sinusuong ngayong pandemya.

Ngunit ang labis na nagpapabigat sa kanilang kalooban – bukod pa sa mababang pasahod at delay na benepisyo – ay sila pa ang nagiging dahilan kaya nahahawa ng sakit ang kanilang pamilya.

“Pag-uwi nila ng bahay ay bitbit din nila ang anomang virus na nakuha nila sa hospital. Hindi natin nakikita ang kalaban pero malamang, bitbit nila sa kanilang tahanan ang nakukuhang virus at mikrobyo mula sa pinapasukang hospital,” sabi niya.

“Kahit sabihin pa nating naka-PPE sila. Hindi pa rin ito garantiya na ligtas na sila para mahawa at makapanghawa,” dagdag ni Marcos.

Isa sa nakikita niyang kagyat na tulong na dapat ibigay ng pamahalaan ngayon – ay ang pagbibigay ng karampatang supply ng gamot at vitamins sa lahat ng pamilya ng medical frontliners.

“Mahirap sa pakiramdam iyong alam mong ikaw bilang frontliner ang dahilan kung bakit nagkasakit ang iyong kamag-anak. Mas masakit sa kalooban lalo na ikaw mismo ay wala nang magawa dahil lumala na ang kanilang karamdaman. Ang masaklap, habang inaalagaan mo ang ibang pasyente, sarili mong pamilya ay hindi mo maalagaan,” wika pa ni Marcos.

Para sa running mate ni Inday Sara Duterte, kahit papano ay makagagaan sa loob ng bawat health worker na may supply ng gamot at bitamina ang kanilang kapamilya na regular na ibibigay ng pamahalaan.

“Keysa naman bumili pa sila na gamit ang kakarampot na nga nilang suweldo,” dagdag pa nito.

Sa tala ng Department of Health, umabot na sa 29,609 health care workers ang nagpositibo sa COVID-19.

May 97 porsiyento sa naturang bilang ang iniulat na gumaling, ngunit walang sapat na bilang kung ilan sa kanilang pamilya ang nahawaan, nagkasakit o namatay.

“Sana manatiling malusog ang ating health workers. At sana malusog din ang kanilang pamilya,” sabi pa ng dating senador.

148

Related posts

Leave a Comment