Isasampa ng grupo ng mga abogado CIVIL CASE VS KONTRATISTA, OPISYAL SA FLOOD CONTROL PROJECTS

MAGSASAMPA ng kasong sibil ang Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) laban sa mga kontratista at public official na isinasangkot sa umano’y anomalya sa flood control projects.

Ayon kay Atty. Ariel Inton, pangulo ng LCSP, layunin ng kaso na papanagutin ang mga responsable sa malawakang pagbaha sa Metro Manila na nagdulot ng matinding perwisyo sa mga motorista at pasahero.

Sa ginanap na Quezon City Journalist Forum nitong Martes, Setyembre 9, sinabi ni Inton na kabilang sa posibleng kasuhan ay mga matataas na opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH), ilang kongresista at iba pang halal na opisyal na mapapatunayang nagpabaya sa kanilang tungkulin.

“Magsasampa ng kaso ang LCSP laban sa mga taong sangkot sa anomalya ng flood control projects,” ani Inton.

Dagdag pa niya, kung nagampanan lamang ng mga mambabatas at opisyal ng pamahalaan ang kanilang tungkulin, hindi sana lumala ang problema ng pagbaha. Nilinaw rin niya na sa ngayon ay itinuturing pa ring inosente ang mga nasasangkot dahil wala pang pormal na kasong naihahain laban sa kanila.

Sinabi pa ng LCSP na maaaring maging complainants sa kaso ang mga residente ng Quezon City at iba pang lungsod sa Metro Manila na apektado ng pagbaha.

Matatandaang sa isinagawang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, inisa-isa ng mga negosyanteng sina Curlee at Carlos Discaya ang mga umano’y kongresista at opisyal ng DPWH na nakinabang sa mga flood control projects. Dito rin lumutang ang alegasyon hinggil sa mga ghost at substandard projects na nagkakahalaga ng bilyon-bilyong piso.

Samantala, una nang inihayag ni DPWH Secretary Vince Dizon na plano rin ng kagawaran na magsampa ng kaso laban sa mga government contractor at mga tauhan ng DPWH na umano’y nagsabwatan sa pagpapatupad ng mga naturang proyekto.

(PAOLO SANTOS)

63

Related posts

Leave a Comment