Isinauli ng DILG: PNP MAY P500 MILLION INSERTIONS SA 2025 BUDGET

ISINAULI ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang umano’y ₱500 milyon “insertion” sa intelligence funds ng Philippine National Police (PNP) para sa 2025, matapos igiit ni Secretary Jonvic Remulla na hindi naman nila ito hiniling.

Sa 2026 DILG budget briefing kahapon, lumutang ang isyu nang tanungin ni Sen. Sherwin Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Finance, kung bakit nabawasan ng ₱500 milyon ang intelligence fund ng ahensya—mula ₱1.3 bilyon noong 2025 ay naging ₱800 milyon na lang sa 2026.

Ayon kay Remulla, natuklasan nilang ang naturang pondo ay isang “insertion” na may kaugnayan umano sa isang taong humihiling ng 3,000 container ng isda.

“We did not ask for it, so we returned it,” pahayag ng kalihim.

“There might have been a trade-off with the insertion, that’s why we refused it,” dagdag pa niya.

Tumanggi si Remulla na pangalanan ang naturang tao, ngunit matatandaang nitong mga nakaraang buwan, ibinulgar ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na humihiling umano si Rep. Zaldy Co ng fish import allocations para sa ilang kumpanyang konektado sa kanya, kabilang ang ZC Victory Fishing.

Ayon kay Laurel, tinanggihan niya ang kahilingan dahil sobrang laki umano ng volume ng isda na nais ipasok.

“We were being forced at that time to give him (Rep. Zaldy Co) 3,000 containers of fish, which I did not agree to,” ani Laurel.

(JESSE RUIZ)

57

Related posts

Leave a Comment