Isinusulong ni Erwin Tulfo REVIEW NG BATAS PARA SA PWD, TUNAY NA ‘BARRIER-FREE’ PH

HINIMOK ni Senador Erwin Tulfo ang Senado na i-review ang mga batas para sa Persons with Disabilities (PWD) sa pamamagitan ng isang resolusyon na sisiyasat sa mga batas para sa sektor.

Sa ilalim ng Senate Resolution No. 186, inaatasan ang kaukulang komite na magsagawa ng oversight sa pagpapatupad ng Batas Pambansa Blg. 344 o ang “Accessibility Law” at Republic Act 7277 o “Magna Carta for Persons with Disabilities”.

“Ano pa ang saysay ng mga batas na ito na nagpoprotekta sa karapatan ng mga PWD kung ang mga pasilidad sa transportasyon at mga gusali ay kulang pa rin? Ang ating mga PWD ay madalas na napipilitang umasa sa iba o isapanganib ang kanilang kaligtasan para lamang makagalaw,” ani Tulfo.

Dagdag pa niya: “Dapat ay wala nang ibinibigay na building permit o aprubadong proyekto ng gobyerno para sa structural designs na kulang sa mga mandatory accessibility feature.”

Binigyang-diin din ng chairman ng Senate Committee on Social Justice, Welfare, and Rural Development ang talamak na kawalan ng maayos na pasilidad sa mga pampublikong imprastraktura.

Tanong pa niya: “Paano natin aasahan na maabot ng ating mga PWD ang kanilang buong potensyal kung ang mismong sistema natin ay kontra sa kanila?”

Bilang kilalang kakampi ng PWD community, isinusulong din ni Senador Tulfo ang lifetime validity ng PWD ID para sa mga may permanenteng kapansanan. Layunin ng hakbang na ito na alisin ang pasanin ng pag-renew ng ID tuwing limang taon, na madalas ay nagdudulot ng dagdag na gastos at pagod para sa mga benepisyaryo.

Bukod dito, hinimok niya na huwag haluan ng pulitika ang pagpaparehistro ng mga PWD at nanawagan para sa isang mas epektibo at sentralisadong imbakan ng mga talaan upang matiyak na ang tulong ay makararating sa mga tamang benepisyaryo nang walang anomang pamumulitika.

53

Related posts

Leave a Comment