KINUMPIRMA ng dalawang political survey ang hindi na mapipigilang pagbabalik ni dating Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso sa Manila City Hall.
Ayon sa resulta ng survey ng OCTA Research at Phil Data Trends, nagpapakita ng posibilidad na mananalo si Yorme Isko bunga ng malaking tiwala sa kanya ng mga botante ng Maynila.
Sa ulat ng PhilData Trends, lumitaw na nakakuha si Isko ng 72.1% of voter preference sa buong Maynila, ayon sa isinagawang survey mula Enero 2 hanggang Enero 7, 2025. Nasa likod ni Yorme si Sam Verzosa na kumubra lamang ng 13.5%, habang si incumbent Mayor Honey Lacuna ay kumabig lamang ng 12.3%. Kulelat si Raymond Bagatsing sa nakuhang 1.4%.
Ayon sa PhilData, maliwanag na ipinakikita ng survey ang malawak na suporta ng mga botante kay Isko.
Mas mataas naman ang suportang nakuha ni Yorme Isko sa survey ng OCTA Research na nagrehistro ng 86% ng mga botanteng nais siyang ibalik sa Manila City Hall. Habang si Mayora, 8% lamang ang nakuhang tiwala ng mga botante sa buong Maynila.
Nagrehistro si Yorme Isko ng malakas na suporta sa First District sa nasungkit na 79%, at 77% sa Second District. Kahit sa Fifth District na mahigpitan ang labanan, malaki ang agwat ni Moreno sa nakubrang 67%, na kumpara sa karera, pinakain ng alikabok sina Verzosa at Lacuna sa nasungkit na 15%, at nalublob sa putik si Lacuna sa nakuhang 9.
Ipinakita ng dalawang survey na hindi tumatalab sa mga botante ang kahit anong pakulo at maituturing na ito ay nakadidismayang paghatol sa di-mapagkakatiwalaang pamamahala ni Mayora Lacuna sa lungsod. Sa kabila na si Lacuna ang nakaupo sa city hall, nananatiling nakaukit sa mga residente ang kamangha-mangha at mahirap na mapantayang pagsisilbi ni Isko noong siya ang alkalde ng Maynila. Malinaw, ayon sa survey ng PhilData at OCTA at ng ibang pang katulad na survey ng Social Weather Station (SWS) at ng Pulse Asia na mananalo si Yorme Isko sa eleksyon at tatabunan ng daan-daan libong boto ang mga katunggaling sina Verzosa at Lacuna. (BAMBI PURISIMA)
