NAPANATILI ng Ospital ng Tondo (OsTon) ang ISO 9001:2015 Quality Management System certification matapos ang isinagawang surveillance audit kamakailan.
Ipinahayag ni Hospital Director Dr. Edwin C. Perez na ang nasabing tagumpay ay patunay sa patuloy na pagbibigay ng de-kalidad na serbisyo ng ospital at sa kanilang layuning mapabuti pa ang lahat ng aspeto ng pangangalagang medikal para sa mga residente ng ikalawang distrito ng Tondo.
“Ang ISO accreditation ay hindi lamang karaniwang parangal para sa aming ospital, kundi isang paalala ng aming tungkulin na patuloy na maglingkod sa komunidad ng Tondo nang may pinakamataas na antas ng kahusayan,” ani Perez.
Dagdag pa ng direktor, magsisilbing inspirasyon ang ISO certification para sa lahat ng doktor, nars, staff at kawani ng OsTon upang lalo pang pag-ibayuhin ang kanilang serbisyo sa publiko.
“Ang ISO certification ay isang hakbang patungo sa mas magandang bukas para sa ating mga pasyente, mga empleyado, at buong komunidad. Patuloy naming isusulong ang mga inisyatiba upang matiyak ang pinakamahusay na kalidad ng pangangalaga para sa bawat pasyente,” dagdag pa ni Perez.
Tiniyak din ni Perez na sa ilalim ng kanyang pamumuno, patuloy na mag-aalok ang OsTon ng libreng serbisyong medikal na may tatak ng tunay na malasakit sa mga taga-Tondo.
Ang Ospital ng Tondo ay isa sa anim na pampublikong pagamutan na pinatatakbo ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila, kung saan bawat isa ay nakatalaga sa kani-kanilang distrito.
Ang ISO 9001:2015 certification ay nangangahulugang nakapasa ang ospital sa internasyonal na pamantayan ng kalidad at kaligtasan ng pasyente — na nagdudulot ng mas maayos na serbisyo at pinahusay na kalidad ng pangangalaga sa bawat pasyenteng kanilang tinutulungan.
(JESSE RUIZ)
