NAIS ng National Task Force against COVID-19 na gawing mandatory sa mga pabrika at malalaking kompanya o negosyo ang pakikipag-ugnayan sa mga nakasasakop na local government unit (LGU) kaugnay sa mga ipinatutupad na hakbang laban sa COVID-19.
Kabilang ito sa mga bagong direktibang inilabas task force.
Nakasaad sa isang joint memorandum circular ng Department of Health (DOH), Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Labor and Employment (DOLE) na dapat ang malalaking kompanya o pabrika ay magkaroon ng sariling testing capacity at isolation facility.
Ito rin ang naging rekomendasyon kamakailan ng mga export processing at industrial zones sa bansa partikular sa bahagi ng Luzon.
Ayon kay NTF vice chairman at DILG Sec. Eduardo Año, kasabay nito ay dapat may pakikipag- ugnayan muna sa LGU ang isang pabrika o industrial zone bago sila magsagawa ng testing sa
kanilang mga manggagawa.
Layunin nito na matutunan ng mga kumpanya ang wastong pamamaraan ng pangangasiwa sakaling mayroong magpositibong manggagawa at opisyales. (JESSE KABEL)
