Ang sambayanan ay nakatutok ngayon sa kontrobersyal na isyu ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) at sa balita ukol sa napipintong paglabas ni dating Calauan Mayor Antonio Sanchez.
Si Sanchez ay nakulong dahil sa pitong hatol ng reclusion perpetua dahil sa pagpaslang at panggagahasa sa UPLB student na si Eileen Sarmenta at pagpaslang sa kapwa UPLB student nito na si Allan Gomez noong 1993. Kaya’t hindi kataka-takang napakatindi ng mga negatibong reaksyon ang inani nito mula sa publiko lalo na sa social media.
Kabi-kabila ang balita ukol dito at lahat ay nakasubaybay sa pagdinig ng kasong ito sa Senado. Pinakasariwang balita ay ang pagkakasibak ni Pangulong Duterte kay Nicanor Faeldon bilang tagapangasiwa ng Bureau of Corrections (BuCor) dahil sa pagkakasangkot nito sa hinihinalang GCTA for sale at sa kwestiyonableng implementasyon nito.
Bagama’t isang magandang balita na tinututukan ito ng gobyerno, sana nawa ay hindi naman tuluyang makalimutan na may iba pang mga isyu na dapat ding bigyang pansin sa lalong madaling panahon – isyung makaaapekto sa kaligtasan nating mga Filipino pagdating ng panahon na tamaan tayo ng malakas na lindol.
Ang BuCor at ang Bureau of Customs (BOC) na parehong nasasangkot sa isyu ng korapsyon ay parehong napamunuan ni Faeldon.
Ang kaso ng GCTA ay nakasentro sa pagbibigay ng hustisya sa mga biktima ni Sanchez, ang isyu naman na kinasasangkutan ng BOC ay nakasentro sa pagbawi ng bilyun-bilyong halaga ng buwis na dapat sana ay napupunta sa bansa. Ito ay bunsod ng hinihinalang sabwatan sa pagitan ng mga opisyal ng BOC at ng malalaking kompanya ng bakal sa bansa.
Isa ang BOC sa binanggit ni Pangulong Duterte sa kanyang State of the Nation Address sa isyu ng korapsyon sa bansa. Bunsod nito ay sinibak niya sa pwesto ang higit sa 60 na matataas na opisyal at mga empleyado ng nasabing ahensya.
Ayon kay Presidential Anti-Corruption Commission Chairman Dante Jimenez, 10 taon nang nangyayari ang sabwatan sa pagitan ng mga opisyal ng BOC at ng mga malaking kompanya ng bakal sa bansa na kung kanyang tawagin ay “technical smuggling”. Nagtutulong ang mga ito sa pag-manipula ng universal code na ginagamit ng Customs sa kalakalan ng produktong bakal sa bansa. Nagagawan nila ng paraan na ideklara ang mga inangkat na mga bakal sa mas mababang halaga.
Inabisuhan na ng PACC ang Department of Trade and Industry (DTI) ukol sa nangyayaring “technical smuggling” dahil ito ang sangay ng gobyerno na may tungkuling suriin ang mga produkto bago bigyan ng sertipikasyon.
Mismong ang Association of Structural Engineers of the Philippines (ASEP) na ang nagmungkahi ng maaaring maging epekto ng nasabing “technical smuggling”. Ang Grade 60 na mga bakal ay ginagamit para sa mga matataas na gusali samantalang ang Grade 40 naman ay para sa mga gusaling may katamtamang taas lamang. Kung ang mga Grade 40 na bakal ay makakalusot at magamit sa pagtatayo ng matataas na gusali, hindi nito kakayanin ang epekto ng malakas na paglindol. Ibig sabihin, kapag tumama ang The Big One, napakalaki ng posibilidad na guguho ang anumang gusali na ginamitan ng hindi angkop na materyales bilang pundasyon.
Napakarami ng mga malalaking isyu at problemang kasalukuyang kinakaharap ng bansa. Mas malaki man at mas umani ng pansin mula sa publiko ang isyu ng GCTA, sana ay hindi tuluyang makalimutan ang isyung ito na may kinalaman sa kaligtasan ng mga Filipino. Huwag na sanang hintayin na may tumamang malakas na paglindol at may gumuho na namang mga gusali at may masaktan gaya ng nangyari sa Chuzon Supermarket sa Porac, Pampanga noong nakaraang Abril. (Sa Ganang Akin / Joe Zaldarriaga)
