BAWAL bang ilabas at ibunyag sa media ang reklamo laban sa DOSRI (directors, officers, stockholders, and their related interests) ng ilang bangko kung mayroong hindi nasunod na isa o dalawang hakbang sa buong proseso ng pagpapautang sa negosyante?
Ibig sabihin, hindi sakop ng malayang pamamahayag ang reklamo ng sinumang negosyanteng Filipino laban sa bangko na inihain sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP)?
Malinaw ang deklarasyon at utos ng Saligang – Batas ng Pilipinas hinggil sa pagkilala, pagsunod at pagpapatupad ng lahat ng mamamayang Filipino, kabilang na ang mga negosyante, tungkol sa konsepto ng malayang pamamahayag.
Naitanong ng kolumnistang ito ang nabanggit na isyu dahil nakapagtataka namang hindi na naglalabasan sa mga pahayagan ang isyu hinggil sa DOSRI ng ilang bangko na inireklamo sa BSP, samantalang hindi dapat iligal at hindi rin masama ang pagpaparating nito sa publiko.
Ang lahat ng isyu, suliranin, desisyon at aksyon ng BSP ay wasto at nararapat lamang malaman ng publiko dahil direktang apektado ang mamamayang Filipino sa kabuuang operasyon, galaw, desisyon at buhay ng sistema ng bangko sa bansa dahil napakaraming Filipino ang nag-iimpok at mayroong transaksiyon sa iba’t ibang bangko sa bansa.
Kaya, hindi dapat tinatakot ng kahit sinong abogado o pangkat ng mga abogado na pigilan, brasuhin at takutin ang mga pahayagan o mamahayag na maglabas ng balita o impormasyon hinggil sa reklamo ng pangkaraniwang tao at negosyante sa kahit anong bangko.
Hindi nanumpa ang mga mag-aaral ng abogasya na pumasa sa bar examinations upang maging ganap na abogado upang gamitin ang pagiging abogado at mga nalalamang batas upang manakot, gipitin at pagbawalan ang media na maglathala ng mga mahalaga at makabuluhang impormasyong magbibigay ng kaalaman sa publiko.
Mayroon kumpanya ng abogado sa Metro Manila na tinakot na sasampahan ng kasong libelo ang editor at reporter ng pahayagan kung maglalabas ng balita hinggil sa reklamong inihain sa BSP laban sa DOSRI ng ilang bangkong nagpautang ng mahigit apat na bilyon sa isang negosyante.
Bawal daw ilabas sa media ang reklamo sa bangko na hindi sumunod sa reportorial requirement ng BSP ang DOSRI ng ilang bangko.
Ayon sa law firm na nakabase sa Metro Manila, ang reklamo sa BSP laban sa ilang bangkong mayroong problema sa DOSRI ay “confidential” daw na usapin, batayan upang hindi dapat ito ibinabahagi kaninuman.
Dahil sa pananakot na ito na nakarating sa nagreklamo, hindi na nagbigay ng pahayag sa media ang nasabing tao.
Dapat binabantayan at inilalabas ng media ang pagkakamali kahit ng bangko tulad ng bangkong inimbestigahan sa Senado ilang taon na ang nakalipas.
Ang BSP ay hindi naglabas ng “gag order” sa mga bangkong inireklamo sa hindi pagsunod sa ligal at tamang proseso ng pagpapautang ng bilyun-bilyong pera sa negosyante.
Kaya, hindi dapat sisihin, pagbawalan at takutin ng mga bangko, sa pamamagitan ng kanilang mga abogado ang mga may-ari, namamahala, editor, kolumnista at reporter kapag naglalabas sa
kanilang pahayagan ng mga isyung nakadikit ang “public interest” tulad ng reklamong inihain sa BSP.
Hindi rin dapat nila dapat patahimikin ang nagreklamo sa BSP sapagkat karapatan niya ang ihayag sa publiko na mayroon siyang inireklamong bangko sa BSP kung saan ang isyu ay mayroong kaakibat na pampublikong interes.
