MAHIGIT pitong buwan na lang, maghahain na ng certificate of candidacy (COC) sa Commission on Elections (Comelec) ang lahat ng tatakbo sa iba’t ibang posisyon para sa halalang 2022.
Mula Oktubre 1 hanggang Oktubre 8 ngayong taon itinakda ng Comelec ang paghahain ng COC.
Kasama diyan ang mga tatakbo sa pagkasenador.
Asahan nating maraming gustong maging senador, ngunit labingdalawa ang mananalo dahil labingdalawa lang ang matatapos na ang termino sa Hunyo 30,2022.
Tiyak akong kasama sa mga tatakbo ay ang kasalukuyang mga senador na kuwalipikado pang tumakbo dahil nakaiisang termino pa lang sila.
Sigurado rin akong sasabak uli sa halalan sa pagkasenador ang mga dating senador, mga natalong kandidato sa pagkasenador, mga tradisyunal na politiko at kinatawan ng mga angkan ng mga nabubuhay sa politika.
Maaaring mayroon uling retiradong heneral mula sa Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na gustong maging senador, o kaya artista, komedyante, boksingero, abogado, manggagamot at iba pa.
Walang masama kung ano pa man ang propesyon na pinanggalingan, o kung saang larangan dalubhasa, ang interesadong maging kasapi ng Senado, ang mataas na kapulungan ng Kongreso.
Basta, huwag lang dalubhasa sa katiwalian, korapsyon at pandarambong.
Nagkakaintindihan ba tayo?
Huwag lang propesyonal na sa panloloko at pagpapayaman sa buhay ang tanging alam sa buhay.
Naniniwala akong patuloy na sinusubok ng Diyos ang mga Filipino kapag mayroong kandidatong matinik at madiskarte sa katiwalian, korapsyon at pandarambong.
Ngunit kapag nanalo sila, kumbinsido akong nagalit na ang Panginoong Diyos sa atin, sapagkat patuloy na pinababayaan nating mabuhay nang napakarangya at “honorable” ang mga masasamang – loob, sa pamamagitan ng paghalal sa kanila sa ‘kagalang-galang’ na organo ng pamahalaan na Senado ang tawag.
Tigilan nang ihalal at ipanalo ang mga politiko at opisyal ng pamahalaan na naiugnay ang mga pangalan sa samu’t saring krimen, lalo na sa katiwalian, korapsyon at pandarambong.
Maraming ganyan sa panahon ni Pangulong Rodrigo Duterte, ngunit nanatiling malaya, masarap ang buhay at nakakaangat sa pinakaraming Filipino.
Nabalitaan kong mayroong plano si Duterte na patakbuhin sa senado mula sa kanyang gabinete.
Walang bago rito.
Lahat ng mga naging pangulo ay nagkaroon ng kanilang mga kandidato para sa senado, kabilang sina Benigno Simeon Cojuangco Aquino III at Gloria Macapagal Arroyo.
Ang nakababanas sa mga pangulo ay nagpatakbo at napanalo nila ay mga sumira sa imahe at kredebilidad ng Senado.
Mayroong mga senador na masakit sa tainga ang mga papanaw at katwiran sa mga isyu.
May mga senador na lantarang tutol at kinakalaban ang interes at kagalingan ng mga ordinaryong taong kinumbinsi nilang ihalal sila noong eleksyon.
Ang ibig kong sabihin, mayroong mga senador na magaling lang noong nangangampanya, ngunit nang maging senador na ay sinadya nang kalimutan ang pangkaraniwang mamamayan na pinangakuang nilang paglilingkuran.
Pokaragat na ‘yan!
Sinadya na ngang kalimutan ang mga ordinaryong tao na siyang pinakamarami sa buong populasyon ng bansa, tapos mababalitaan na lamang sa media na nangurakot ng milyun-milyong pera mula sa pork barrel.
Sa kabila ng kaliwa’t kanang impormasyong naglalabasan sa mga pahayagan, online news platform, telebisyon at radyo hinggil sa kanilang pangungulimbat ng napakaraming salapi ng estado ay hindi sila basta – basta puwedeng akusahang magnanakaw, tiwali, korap, o mandarambong dahil hindi pa napapatunayan ng Sandiganbayan na nakagawa sila ng alinman sa mga krimeng ito.
Pokaraganat na ‘yan!
Ibig sabihin, hindi pa sila guilty.
Kaya, paninirang-puri kung aakusahan silang magnanakaw ng pera, tiwalian, korap, lalo na mandarambong.
Pokaragat na ‘yan!
Kapag mandarambong kasi, P50 milyon pataas na ang paratang na kinurakot nila.
Sa ingles, “libelous” ang akusasyon laban sa kanila.
Pokaragat na ‘yan!
Kaya nga, itaas na ang kredebilidad ng Senado.
Kahit hindi pa napapatunayan sila ay nagawa ng krimen ng pagnanakaw ng pera, katiwalian, korapsyon at pandarambong, o hindi pa sila sinasampahan ng anumang kasong kriminal na ito, sa Office of the Ombudsman at Sandiganbayan ay huwag nang magpatakbo si Duterte ng mga opisyal ng pamahalaan na naidikit sa anumang isyu ng katiwalian, korapsyon at pandarambong.
Ganoon din ang Liberal Party (LP) na pinamumunuan ngayon ni Bise – Presidente Ma. Leonor Robredo.
Anong mangyayari sa Senado kapag magkaroon muli ng mga senador na nabugbog sa isyung katiwalian, korapsyon at pandarambong?
Nararapat lamang na itaas ang kredebilidad ng Senado, sapagkat nakasisira ng puri ng ating bansa kapag palaging nagkakaroon ito ng mga kasapi na masyadong mabantot ang pangalan at imahe.
