Itutulak ng Pag-IBIG ngayong may pandemya HOUSING LOAN RESTRUCTURING

IMINUMUNGKAHI ng board ng Pag-IBIG Fund ang pagkakaroon ng tinatawag nilang special housing loan restructuring program, na ang motibo ay matulungan ang mga hirap na borrower nito dala ng COVID-19 pandemic.

Sinabi ni Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Acmad Rizaldy Moti, na hangad ng programa na mabigyan ng restructuring ang mga housing loan borrower na anim na buwang hindi nakababayad bago tumama ang pandemya.

“By August po, ‘yung mga 6 months in arrears o ‘yung hindi nakabayad, ‘yung February ay 12 months in arrears na po kung bibilangin natin. At lahat ng housing loan borrowers natin na up to 12 months na hindi nakabayad, puwede nang pumunta doon sa website,” sinabi ni Moti.

Dagdag ni Moti, maayos ang housing portfolio ng Pag-IBIG bago pa tumama ang pandemya kung saan 90-91 porsiyento ng borrowers ang nakapagbabayad ng kanilang loan.

“Ngayon, napansin namin pagpalo ng pandemya pagdating ng July bumagsak po ito ng 85 percent lang ang nakakabayad, hanggang August po naging 81 percent. Ibig sabihin po nun ‘yung dating laging nagbabayad sa kanilang housing loan talagang naapektuhan na,” pahayag ni Moti sa panayam sa TeleRadyo.

Ibinunyag din niya na nasa 800,000 ang kasalukuyang housing loan borrowers ng Pag-IBIG.

Lahat aniya ng kuwalipikado na 12 months in arrears ay makatatanggap ng text message na may kasamang link na kapag na-click ay ididirekta sila sa online portal ng Pag-IBIG Fund. Online na aniya ang pag-apply ng loan restructuring.

“May option sila na pumili kung kailan magre-resume ‘yung kanilang loan payment. Papayagan po natin ang mga mag-a-apply ng restructuring program na piliin hanggang March… March na magre- resume ang kanilang housing loan amortization,” paliwanag niya.

Sakaling maaprubahan ay hindi na babayaran ang penalties pero hindi ang interest dahil ito aniya ang pera ng pondo ng ahensiya.

“Halimbawa, 12 months na siyang hindi nakabayad at pinili niya mag-resume sa March. Lahat ng hindi niya nabayaran at lahat ng hindi niya babayaran hanggang February, lahat ng total na ‘yun iseset-up natin na parang bagong loan niya. So pagdating ng Marso, 1 month lang po ng amortization ang kailangan nilang bayaran,” paglilinaw niya. (CATHERINE CUETO)

110

Related posts

Leave a Comment