IVANA, NATULOG SA KALYE DAHIL SA PBB AUDITION

SIKAT na sikat na ngayon si Ivana Alawi dahil sa kanyang video blogs sa sariling YouTube channel. Kamakailan ay tumanggap na rin ng award ang sexy actress mula sa pamunuan ng YouTube dahil sa pagkakaroon ng mahigit apat na milyong subscribers.

Masayang inalala ng dalaga sa pinakahuling vlog ang kanyang pinagdaanang hirap bago pa sumabak sa mundo ng show business. “Nag-audition ako sa commercials, ayun rejected pa rin ang lola n’yo. So much rejection in life. Sa dami-dami kong vini-TR wala akong nakuha. Maraming beses akong nag-audition kung saan-saan pero lahat ng ‘yon ‘di para sa akin,” nakangiting pahayag ni Ivana.

Nagsimula ang aktres bilang extra sa ilang mga proyekto. “Sa totoo lang, nag-start talaga ako from the bottom. Galing talaga ako sa baba at nag-try talaga ako sa pagiging extra. Dumadaan ako sa likod, mga background, gano’n. So mga two seconds nakikita ko ‘yung likod ko, minsan naka-cut pa,” natatawang kwento niya.

Hinding-hindi raw makalilimutan ni Ivana noong nag-audition siya sa ‘Pinoy Big Brother’, ilang taon na ang nakalilipas. “Nag-audition ako sa pangarap ko na PBB. Pumila ako sa audition sa Marikina. Pumila kami ng 4:00 a.m. para mapunta ako sa unahan dahil ang dami eh, 9,000 ‘yata ang pumila that day. Tapos kasama ko si Mama, tapos natulog kami sa kalye. Natapos ako ng 4:00 a.m. the next day. Parang 24 hours kami nando’n and then nakuha ako sa Marikina. Ang saya ko no’n kasi out of 9,000 siguro 100 kami natira. So ang saya, ang sarap sa pakiramdam no’ng time na ‘yon. Then na-reject na ako sa second round, ‘You’re out,’” paglalahad ng sexy actress.

Todo ang suportang ibinibigay ng ina kay Ivana upang makamit ang pangarap na maging isang artista. Dumating ang panahon na lumapit na sa ilang talent managers ang ina ng aktres hanggang sumagot na si Perry Lansigan ng PPL Entertainment sa mensahe ng ina sa Facebook. “May time talaga siya eh. Hindi palagi mong oras at hindi palaging oo. Marami kang pagdadaanan na rejection bago mo ma-meet ang pangarap mo. After ten years of trying, nakita ko ang sarili ko sa TV ko na umaarte. Lahat ng ‘yon hindi dahil sa akin, hindi dahil bumalik ang tiwala ko sa sarili ko. Hindi dahil hindi ako nag-give up. Kundi dahil kay Mama kasi siya ‘yung hindi nag-give up sa akin. After ten years of trying, nakita ko na ‘yung sarili ko sa TV,” pagbabalik-tanaw ng dalaga.

Noong isang linggo ay pumirma na ng exclusive contract si Ivana sa ABS-CBN at nakatakdang magbida sa teleseryeng Ligaya. Bukod dito ay mayroon ding gagawing proyekto ang sexy actress sa Star Cinema at Star Music.

 

259

Related posts

Leave a Comment