Nag-overnight sa Sanchez Peak
GEN. SANTOS City – Umabot sa 30 katao ang malubhang nasugatan, karamihan ay mga estudyante, makaraang mahulog sa bangin ang sinasakyan nilang jeep sa Purok Balakayo, Barangay Olympog sa lungsod na ito.
Base sa inisyal report na natanggap ng Gen. Santos Police Office, noong Biyernes ng umaga, habang binabagtas ng jeep ang national highway ay biglang nawalan ng kontrol sa manibela ang driver nito.
Hinala ng mga awtoridad, biglang nawalan ng preno ang sasakyan kaya sumadsad sa gilid at tuloy-tuloy na nahulog sa bangin.
Ayon sa ulat, nag-overnight ang mga estudyante sa Sanchez Peak, isang tourism site sa lugar, at pauwi na sa Polomolok, South Cotabato nang mahulog ang jeep sa 40 talampakang lalim na bangin.
Mabilis na naitawag sa local disaster management office ang insidente kaya agad nagresponde ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection katuwang ang mga barangay official sa lugar.
Ayon sa may-ari ng jeep na si Jen Omero, hindi pampasaherong jeep ang kanilang sasakyan kundi gamit sa pag-transport ng mga pinya mula sa isang plantasyon.
Napag-alamang inarkilala ang nasabing sasakyan para maghatid-sundo ng mga estudyante.
Ang Sanchez Peak ay sikat na tourism destination na isinusulong ng lokal na pamahalaan na puwedeng mag-overnight. (JESSE KABEL)
