QUEZON – Tatlo ang patay habang anim ang sugatan matapos na mahulog ang isang service jeep na kargado ng mga niyog at sako-sakong kopra, sa bangin sa Brgy. San Nicolas, sa bayan ng Macalelon sa lalawigang ito, noong Sabado ng hapon.
Ayon sa report ng Macalelon Police, kabilang sa mga namatay ang dalawang menor de edad na lalaking estudyante na anak ng may-ari ng sasakyan, na sina Markus at Noel Mael Orillenida III, at isang pahinante ng jeep na si Alex Villaraza, 42-anyos.
Sugatan din ang negosyanteng si Noel Orillenida II, may-ari ng sasakyan, na siyang nagmamaneho at ang misis nitong si Nelanie, gayundin ang apat pang sakay ng jeep na sina Mark Anthony Marasigan, 28; Romick Crespo, 24, at dalawa pang menor de edad na sina Reggie Crespo at Rustom Crespo.
Ayon sa imbestigasyon, tinatahak ng jeep ang bulubundukin at palusong na bahagi ng barangay road ng Brgy. San Nicolas nang mawalan ito ng preno dakong alas-3:00 ng hapon.
Sa bigat ng karga, tuluyang nawalan ng kontrol ang driver sa truck at bumulusok itong pababa hanggang sa mahulog sa bangin sa gilid ng kalsada.
Bumaliktad ang sasakyan sa binagsakang creek na nagdulot ng pinsala sa mga sakay nito.
Agad sumaklolo ang mga tauhan ng 85th ID ng Philippine Army na nakabase sa lugar, at ang mga tauhan ng Macalelon PNP at MDRRMO, subalit idineklarang dead on the spot ang magkapatid.
Nalagutan naman ng hininga si Villaraza habang isinusugod sa ospital.
Nilalapatan ng lunas sa ospital sa Gumaca, Quezon ang mga nasugatan. (NILOU DEL CARMEN)
179