JEEPNEY MODERNIZATION KONTRA SA KONSTITUSYON

INIREKLAMO ng samahan ng mga tsuper at opereytor ng dyip sa Korte Suprema ang programang “jeepney modernization” ng administrasyong Duterte.

Sa kanilang petisyong inihain, hiniling ng Bayyo Association Inc., sa pangunguna ng pangulo nito na si Anselmo Perweg, na ipatigil ang programa na nakasaad sa Department Order No. 2017 – 11 dahil nilabag nito ang Konstitusyon ng bansa.

Ani Perweg, ang D.O. 2017-11 ay lumabag sa karapatan ng mga tsuper ng dyip na magkaroon ng legal na propesyon at kumita sa pamamagitan ng pagmamaneho ng dyip na isang pampublikong sasakyan.

Aniya, hindi pinapayagan ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang 430 mga tsuper na kasapi ng Bayyo na bumiyahe sa iba’t ibang ruta sa Quezon City dahil hindi nila sinunod ang D.O. 2017 – 11.

Idiniin ni Perweg na mahalaga ang kanilang kabuhayan dahil karapatan nila ito bilang tao.

Ang karapatang ito ay pinagtibay at ginagarantiya ng Konstitusyon.

Ayon sa kanya, maraming hinihinging rekisito ang LTFRB upang makasunod ang mga tsuper sa programang modernisasyon ng pamahalaan.

Kabilang dito ang pagkuha ng bagong yunit ng modernong itsura ng dyip na hindi kayang bayaran kahit dahan-dahan ng mga tsuper ng dyip.

Iginiit ni Perweg na mababaon lamang ang mga tsuper sa modernong dyip kapag pinatulan nila ang alok ng LTFRB.

Umaasa ang Bayyo na kagyat na maglalabas ng desisyon ang Korte Suprema pabor sa kanilang samahan. (NELSON S. BADILLA)

264

Related posts

Leave a Comment