MISMONG pinuno ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) ang umaming napakakupad nito sa pag-iimbestiga laban sa mga korap na opisyal sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Ayon kay Dante Jimenez, noong 2018 nagsimula ang PACC na magsagawa ng imbestigasyon sa PhilHealth.
“The PACC has been investigating PhilHealth since we started receiving complaints in 2018 when we started to work. We’re ready to file with the Ombudsman initial complaint against some PhilHealth officials,” pahayag ni Jimenez.
Nong Oktubre 4, 2017 itinatag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang PACC sa pamamagitan ng Executive Order No. 43 (EO 43).
Binubuo ito ng chairman at apat na commissioners kung saan ang mayorya ay kinakailangang mga abogadong limang taon nang aktibo sa propesyon.
Layunin ng PACC na imbestigahan ang mga opisyal ng pamahalaan na itinalaga ni Duterte sa ehekutibong sangay ng pamahalaan.
Bago pa man itayo ang PACC, nadiskubreng P154 bilyon na ang nawalang pera sa PhilHealth mula 2014 hanggang 2018.
Walang naibalita ang PACC tungkol dito.
Hindi nagsalita sina Jimenez at Commissioner Greco Belgica kahit kailan tungkol dito.
Ngayong pumutok ang napakalaking kaso ng korapsyon sa PhilHealth tungkol sa nawaldas na P15 bilyong pera ng ahensiya, “overpriced” ng milyun-milyong halaga ng mga computer equipment na kasama sa proyektong information technology (IT) at pamimigay ng milyun-milyong ayudang pinansiyal sa ilang ‘pili’ at ‘paborito’ ng PhilHealth para sa mga pasyenteng ginagamot dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID – 19), sa pamamagitan ng bagong latag na Interim Reimbursement Mechanism (IRM), ay biglang lumantad sa media si PACC Commissioner Belgica na nagsabing 36 opisyal ng PhilHealth ang kakasuhan ng ahensiya.
Ayon kay Belgica, labing-isang miyembro ng Board of Directors ng PhilHealth ay kasama sa 36.
Ngunit, ayaw banggitin ni Belgica ang mga pangalan ng 36 opisyal kahit pampublikong isyu ang korapsyon at pandarambong sa pamahalaan.
Gayunpaman, hindi natuloy ang pagsasampa ng mga kasong kriminal ng PACC dahil gusto ni Duterte ng malalim at malawak na pagsisiyasat tungkol sa iskam sa PhilHealth at hindi paspasang imbestigasyon tulad ng ginawa nina Jimenez at Belgica.
Nagbuo ng task force si Duterte na ipinahawak sa Department of Justice (DOJ) sa halip na sa PACC.
Ang aksyong ito ni Duterte ay pinaniniwalaang nawalan ng tiwala ang pangulo sa PACC dahil lumilitaw na hindi siya nakumbinsi sa inanunsiyo ni Belgica sa media.
Idiniin ni Belgica na “Marami na kaming inimbestigahan, kinasuhan, pinatanggal at pinakulong, pero ang isyu ng PhilHealth, grabe po ito. Grabe ang nakawan, grabe ang kakapalan, grabe ang kawalanghiyaan.”
Ayon kay Jimenez, hindi pa pinal ito dahil iniimbestigahan pa ng PACC ang P3 bilyong lingguhang inilalabas ng PhilHealth.
“We are still undergoing investigation of all those complaints, including the P3 billion funds allegedly being released weekly,” saad ni Jimenez. (NELSON S. BADILLA)
