NAGBABALA si Senador Imee Marcos na milyun-milyong Pilipino ang mananatiling walang trabaho kung wala pa ring malawakang programa sa job recovery ang maipatutupad kapag aprubado na ang paggamit ng bakuna laban sa COVID-19.
Apela ni Marcos, magandang regalo sana ng pamahalaan sa taumbayan kung may nakikitang pag-asa na makababangon sa hirap ng buhay sa pamamagitan ng trabaho.
“Da best regalo ngayong Pasko ang balitang may bakuna na sa COVID-19. Ngunit paano na ang kawalan ng trabaho at ang ekonomiya?” tanong ni Marcos.
“Na-warningan na tayo na ang krisis sa ekonomiya ay mas mahirap masolusyonan kesa sa krisis sa kalusugan. Sino ang nagsasaliksik at gumagawa ng bakuna laban sa kawalan ng trabaho?
Milyun-milyong Pilipinong walang trabaho at ubos na ang pera ang umaasa din sa isang bakunang pang-ekonomiya, pero mukhang walang namumuno,” paliwanag pa ni Marcos.
Sinabi ni Marcos, chairman ng Senate committee on economic affairs, na lumitaw ang problema sa hindi pagbalangkas ng isang pambansang patakaran para sa job recovery nang sabihin ng
Department of Labor and Employment (DOLE) na hindi nila mandato ito kundi ng Department of Trade and Industry, habang nagaganap ang mga hearing tungkol sa 2021 national budget.
Dagdag pa ng senador, napako na ang gobyerno sa mga “programang tila band-aid at panandalian lamang,” gaya ng mga job fair ng DOLE at ang mga programa nitong TUPAD, CAMP, at cash-for-work.
Sa ika-87 anibersaryo ng DOLE ngayong linggo, inanunsyo ng ahensya na may 21,000 na alok na trabaho mula sa mga pribadong kumpanya dito at sa ibang bansa.
Ngunit sinabi ni Marcos na wala pa ito sa isang porsyento ng 3.8 milyong Pilipino na walang trabaho ngayon, base sa pinakabagong Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority. (NOEL ABUEL)
