JUDGE ITINANGGI ANG AKUSASYONG OBSTRUCTION OF JUSTICE

judge12

IGINIIT ni Sta Cruz RTC Branch 176 Presiding Judge Swerte Ofrecio na hindi siya nanghimasok para hindi makulong ang kanyang umano’y nobyo na nahulihan ng hindi lisensyadong baril sa checkpoint sa Calamba City, Laguna noong Linggo.

Taliwas ito sa paratang ni Laguna Police Provincial Director PCOL Randy Glenn Silvio, at sa unang napaulat sa media.

Sa kanyang Facebook post, sinabi ni Ofrecio na trabaho lang niya bilang abogado at huwes ang ipagtanggol ang karapatan ng isang inaakusahan.

Kinuwestyon din ng judge ang tila umano pang-aabusong ginawa ng mga umarestong pulis sa kanyang nobyo.

Siya aniya ang may-ari ng motorsiklo na sinasakyan ng nobyong dating pulis nang ito ay maaresto. Kinumpiska ng mga pulis ng Calamba police station ang motor at alam daw niya na ilegal ang ginawang pagse-search sa sasakyan.

Subalit hindi kumbinsido si Silvio at ayon dito, kita sa mga ikinilos ng judge sa nakunang video nang sumugod ito sa Calamba police station.

Ani Silvio, nagsumbong sa kanya ang mga pulis na pinagkukuha ng judge ang pangalan ng mga nag-iimbestiga at kinuwestyon ang manner of arrest sa suspek.

Ayon pa kay Silvio, ang pagpapakita ng dating pulis ng mga fake na ID at pagkakakumpiska dito ng 2 baril ay dapat nakasuhan na ito at nakulong kung hindi nakialam ang judge hanggang sa pag-iinquest.

Legal anya ang kanilang checkpoint na isinagawa bilang pagsunod sa kautusan ng pamunuan ng PNP at ng Regional Director ng Calabarzon.

Ayon pa kay Silvio, sa susunod na linggo ay itutuloy nila ang pagsasampa ng kasong obstruction of justice laban sa judge at magbibigay rin sila ng affidavit hinggil sa kaso, gayundin ieendorso sa Office of the Ombudsman at bibigyan din ng kopya ang Supreme Court.

Linggo ng gabi nang masita sa checkpoint ang dating pulis na nobyo ng judge subalit magmamadaling araw ng Lunes nang sumugod umano sa presinto ang judge at pilit na pinapaalisan ng posas ang lalaki.

Hindi nakulong ang dating pulis matapos na lumagpas sa 36 hours na reglementary period bago ito na-inquest sa piskalya.

Sinubukan ng mga mamamahayag na kunan ng karagdagang pahayag si Swerte nitong Biyernes subalit hindi ito nagpakita sa kanyang tanggapan sa Sta. Cruz, Laguna.

(NILOU DEL CARMEN)

531

Related posts

Leave a Comment