JV SINUPALPAL NG ‘ROOKIE’

SINUPALPAL ng isang bagitong mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso si Sen. JV Ejercito matapos sabihin na makaaapekto sa economic activities ang impeachment case ni Vice President Sara Duterte.

“Corruption is a worse economic disruption,” panunupalpal ni Kabataan party-list Rep. Renee Co sa Ejercito na ang ama na si dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada ay inimpeach ng Kamara noong December 2000 subalit hindi natapos ang paglilitis noong 2001 dahil sumiklab ang people power na nagpatalsik sa dating pangulo.

Ayon kay Co, hindi dapat matakot ang senator-judges sa impeachment trial dahil makatutulong ito sa ekonomiya ng bansa at magpapabalik sa tiwala ng investors kapag napanagot ang mga korap.

Noong 2019 aniya, lumabas sa pag-aaral ng World Bank na 20% sa national budget ang nawawala dahil sa korupsyon sa gobyerno at isa ito sa mga dahilan kung bakit nagdadalawang-isip ang mga investor na mamuhunan sa Pilipinas.

“Hindi dapat balakid ang trial para makapagsulong pa rin ng batas ang mga senador. Pwede namang bawasan ang bakasyon at magpatawag ng special na session kung may mahalagang batas na dapat ipasa,” ayon pa kay Co, kung ang inaalala ni Ejercito ay mababalam ang pagpapatibay sa mga panukalang batas na kailangan para mapaunlad ang ekonomiya ng bansa.

Bago si Ejercito ay kinastigo rin ng ilang mambabatas si Senator-Judge Juan Miguel Zubiri dahil sa pagsasabi na “witch hunt” ang impeachment case laban kay Duterte para hindi ito maging pangulo sa 2028.

“It’s really unfortunate, it’s an insult to the House as the initiator of the impeachment process. Also, an insult to the various groups that filed those first three impeachment complaints bago nag-adapt diretso yung more than 1/3 of the members of the House,” ayon kay ML party-list Rep. Leila de Lima.

Sinabi ng mambabatas na seryoso ang mga ebidensyang hawak ng Kamara noong nakaraang Kongreso laban kay Duterte kaya umabot sa 215 congressmen ng nag-endorso sa reklamo kaya hindi na ito dumaan sa committee on justice.

Dahil dito, hindi aniya makatarungan na akusahan ang nakararaming miyembro ng Kapulungan na witch-hunting lamang ang ginawa.

(BERNARD TAGUINOD)

150

Related posts

Leave a Comment