INILATAG na ng pamunuan ng Rizal Provincial Police Office (Rizal PPO) ang mga paghahanda para sa kaayusan at seguridad ng nalalapit na Undas ngayong taon.
Ayon kay PCol. Feloteo Gonzalgo, provincial director ng Rizal PNP, ilalatag ang mahigpit na seguridad sa 83 sementeryo at 7 columbarium sa lalawigan mula Oktubre 28 hanggang Nobyembre 2, 2025, kung saan inaasahang aabot sa mahigit 405,000 katao ang dadalaw.
Mahigit 2,300 pulis at force multipliers ang ipakakalat sa buong Rizal, pinakamarami sa Antipolo (369), Taytay (315), San Mateo (202), at Angono (182) — mga lugar na inaasahang dudumugin ng publiko.
Sa ilalim ng programang “Ligtas Undas 2025,” maglalagay ng 84 police assistance desks (PADs) sa mga sementeryo at quick reaction teams (QRTs) para sa mga emergency.
Bawal pa rin ang alak, baril, sugal, at malalakas na tugtugan sa loob ng mga libingan. Pinayuhan din ni Gonzalgo ang publiko na siguraduhing nakasara at ligtas ang mga bahay bago umalis upang maiwasan ang pagnanakaw.
“Handa at nakaalerto ang buong pwersa ng Rizal PNP upang maging ligtas at maayos ang paggunita ng ating mga kababayan sa Undas,” ani Gonzalgo.
(NEP CASTILLO)
27
