“SABIHAN mo kapatid mo na humarap sa imbestigasyon.”
Ito ang mensahe ni Kabataan party-list Rep. Renee Co kay Vice President Sara Duterte, matapos umano nitong tila magpalusot sa panibagong isyu ng overpricing sa Office of the Vice President (OVP) kabilang ang mga computer na nagkakahalaga ng P3.916 milyon.
Ayon sa COA records, 13 unit ang binili, na lumalabas na P301,230 bawat laptop, subalit depensa ng OVP ay nagkaroon umano ng “staff error” at maling nailista ang item.
“Staff error ba or blatant corruption? Hindi kapani-paniwala na may taong maglilista ng photocopier bilang laptop, lalo na at audit report ito,” giit niya.
Kasabay nito, umalma si Co sa umano’y pagpapanggap ni Duterte bilang anti-corruption crusader, dahil hindi lang aniya ang opisina ng VP ang nababahiran kundi pati ang buong pamilya nito.
“Hindi siya pwedeng magkunwari na malinis dahil ang buong pamilya nila ay isa sa mga corrupt na dinastiya. Tingin ba niya na makakapaghugas-kamay siya at ang pamilya niya ngayon? Imbes na magpalusot ng ‘staff error’, sabihan na lang niya ang kapatid niya na humarap sa imbestigasyon,” ani Co.
Ang tinutukoy ni Co ay si Davao City Rep. Paolo “Polong” Duterte, na umatras sa pagharap sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa imbestigasyon ng flood control projects sa kanyang distrito kahit dati’y iginiit nitong wala siyang itinatago.
(BERNARD TAGUINOD)
23
