BULACAN – Idineklarang ‘persona non grata’ ng Sangguniang Bayan ng Pandi sa lalawigang ito ang national spokesperson ng Kalipunan ng Damayan ng Mahihirap (KADAMAY) matapos umanong pagmumurahin ang mga lokal na opisyal at ang hepe ng pulisya habang nagsasagawa ng rally sa isang relocation site kamakailan.
Ang deklarasyon ay ipinalabas sa ilalim ng Resolution No. 196-2020 na pinagtibay ng local government legislative branch sa ginanap na 44th regular session sa Roberto M. Rivera Hall sa munisipyo ng Pandi noong Disyembre 14, sa pangunguna ni Vice Mayor Luisa Sebastian.
Ang ‘persona non grata’ ay tahasang pagbabawal sa isang indibidwal na pumunta o pumasok sa isang lugar dahil sa isang pangyayari na ginawa nito tulad ng pambabastos o kawalan ng galang sa mga tauhan lalo na sa opisyal ng pamahalaan.
Ayon kay Mayor Enrico Roque, hindi nila pinapayagan o ito-tolerate ang ginawang “lack of respect for government officials and law enforcement” ni Doringo.
Napag-alaman, nag-ugat ang pagdeklara ng ‘persona non grata’ kay Doringo nang magsagawa ng rally ang mga lider at miyembro ng KADAMAY Pandi chapter noong Nobyembre sa Village 2 (Atlantika) Barangay Mapulang Lupa dahil sa kanilang panawagan kaugnay ng suliranin sa pabahay at supply ng tubig at kuryente.
Dahil nalalagay sa panganib ang kaligtasan ng mamamayan ng Pandi sa nasabing rally, minabuti ng mga tauhan ng munisipyo at sa utos na rin ng lokal na pamahalaan na huwag payagan ang naturang kilos protesta.
Dito ay nagsimula na umanong pagsalitaan ng hindi maganda ni Doringo hanggang sa minura pa umano nito sina Mayor Roque, Vice Mayor Sebastian, ang mga miyembro ng SB at maging si acting Chief of Police P/Lt. Col. Jordan Santiago. (ELOISA SILVERIO)
