KADIWA PROJECT TULOY-TULOY – PBBM

(CHRISTIAN DALE)

SINIGURO kahapon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magpapatuloy ang implementasyon ng Kadiwa project kahit tapos na ang Kapaskuhan.

Kinilala ni Pangulong Marcos Jr. ang kahalagahan na mag-alok ng abot-kayang halaga ng produkto sa Filipino consumers.

Sa isinagawang Kadiwa ng Pasko caravan sa Quezon City, hangad ni Pangulong Marcos na makipag-tie-ups sa Local Government Units (LGUs) upang matiyak ang tagumpay ng proyekto.

“Magtutulungan na ang Office of the President (OP) at ang ating mga LGU para lahat dahan-dahang kumakalat ang dami nito. Kaya’t ‘yan po ang ating dapat ipagpatuloy,” ayon kay Pangulong Marcos.

“At masasabi ko na kahit pagkatapos na ng New Year ay hindi naman namin ititigil ‘yung Kadiwa ng Pasko. Patuloy nang patuloy na ‘yan. Hangga’t maaari ay patuloy ang Kadiwa para [m]aging national program, para lahat ng buong Pilipinas ay makikita naman nila at makakatikim naman sila nung savings doon sa kanilang mga binibili,” dagdag na wika nito.

Inisyatiba ng Office of the President (OP) at sa pangunguna ng Department of Agriculture, pormal na inilunsad ang Kadiwa ng Pasko project noong Nobyembre 16 para i-promote ang “affordable at high-quality products.”

Binibigyan ng programa ang consumers ng oportunidad na makabili ng abot-kaya sa bulsa na produkto at matulungan ang local agricultural producers at maging ang micro, small and medium enterprises (MSMEs).

Inulit naman ni Pangulong Marcos na mag-aalok ang pamahalaan ng mas murang halaga ng bigas o P25 kada kilo.

Itinuring din ng Pangulo ang Kadiwa ng Pasko program, na “good” Christmas gift ng kanyang administrasyon sa mamamayang Pilipino.

“Kaya’t palagay ko ay maging magandang pamasko,” ayon sa Pangulo sabay sabing “I hope it is the gift that keeps on giving. And that is what we have been working towards.”

Pinasalamatan naman ng Punong Ehekutibo ang lahat ng Kadiwa caravan partners at participants, kabilang na ang Quezon City LGU na nagsilbing government model sa implementasyon ng naturang proyekto.

“Maraming, maraming salamat sa inyong lahat sa inyong pakikilahok. Nagtutulungan po tayo. Kailangan po talaga tayong magtulungan, makahanap ng paraan na tayo ay magkasama. Tayo pagka sabay-sabay ang ating galaw, kahit na anong gugustuhin natin, kahit na ano na ating pinapangarap ay makakamtan po natin,” ayon sa Punong Ehekutibo.

Sa kabilang dako, umaasa naman si Pangulong Marcos na magiging matatag ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa local markets sa first quarter ng 2023.

Layon aniya ng Kadiwa project na baguhin ang presyo, sa oras na ang presyo sa mga pamilihan ay maging katulad sa presyong iniaalok sa Kadiwa.

“Once we get to a point where it’s no longer necessary, where the prices in the markets are the same as what we can give in the Kadiwa, then we don’t need the Kadiwa anymore. Maybe [we’ll implement the project] just for distribution para sa mga [to those in] far-flung areas,” ayon sa Pangulo.

Ang caravan ay ipinatutupad din sa pakikipagtulungan sa DTI, DILG, DSWD at DOLE.

283

Related posts

Leave a Comment