“KAGALANG-GALANG”

KAPE AT BRANDY ni Sonny T. Mallari

SA PAGSISIMULA ng kampanya para sa mga kandidatong senador ay lalong nabuyangyang ang maruming eleksyon sa bansa. Sa halip na mabigyan ng pagkakataon ang mga botante na magkaroon sila ng pagbabasehan sa gagawing pagpili ng kanilang ihahalal ay dismaya ang inaabot.

Sa unang salida ni PBBM sa Ilocos Norte sa kampanya ng kanyang 12 kandidatong senador sa ilalim ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas, agad niyang ipinagyabang na wala sa kanyang mga manok ang may record ng pagsangkot sa madugong drug war noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, wala ring mga kaso ng graft and corruption, walang traydor na pumapanig sa Tsina sa kontrobersya sa West PH Sea – sa madaling sabi ay mga santo at santa na karapat-dapat sa sagradong boto ng mga Pinoy.

Ngunit kung iisa-isahin ang record ng kanyang mga kandidato – marami sa kanila ay mga dating alipores ni Duterte at pawang tameme noon hanggang ngayon sa malawakang dekwatan sa pondo ng gobyerno (at malamang ay kaisa pa sa mga pagnanakaw), dedma rin sa drug war killings at maging sa usapin ng soberenya ng bansa laban sa Tsina.

Inaasahan na ang batikos ni PBBM sa mga Duterte pagkatapos ang kontrobersyal na pagbabanta ni Vice President Sara Duterte na ipapapatay niya ang Pangulo, si First Lady Liza at si Speaker Martin Romualdez, kung ipatitigok siya ng mga ito.

Bagama’t may mga pahayag din si PBBM na matutulungan siya ng kanyang mga kandidato sa pagbibigay ng magandang direksyon ng bansa at kagalingan ng mamamayan sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga proyekto at programa kung mananalo ang mga ito. Pero gasgas na ang ganitong mga dakdak tuwing eleksyon. Sampu-sampera na. Bulok na style na.

Sa kabilang kampo, wala ring bago sa kampanya ni Digong para sa kanyang siyam na kandidatong senador. At dahil walang matinong sasabihin, muli niyang binuhay ang kanyang batikos kay PBBM na isa umano itong drug addict.

At ang malintik pa nito, nagpahayag siyang dapat na patayin ang 15 senador upang makaupo ang kanyang mga kandidato. Agad namang niliwanag ng kanyang mga tsuwariwap na isang “joke” o pagbibiro lang ang sinabi ng dating presidente.

Ngunit para kay Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) chief, Brig. Gen. Nicolas Torre III, hindi isang biro ang binitawang mga salita ni Digong. Nitong nakaraang Lunes ay sinampahan niya – bilang isang mamamayang Pilipino at pinuno ng CIDG – ng kasong kriminal ang dating pangulo.

Mas lalakas ang kaso kung may senador na magsasampa rin ng reklamo laban kay Digong. Kung wala at palalampasin na lang ang banta, so be it. Takot silang puntiryahin ng mga galamay ni Digong.

Sa paliwanag ni Torre, pwedeng isagawa ng mga bulag na tagasunod ni Duterte ang kanyang sinabi kagaya noong malagim na drug war na hinikayat ni Digong ang pagpatay sa drug addicts na nagresulta ng maraming biktima ng “salvage”.

Nararapat lang na sumailalim sa imbestigasyon si Digong. Kung ‘yun ngang “bomb joke” o nagbibiro na may bomba ay hinuhuli at kinakasuhan, mas dapat lalong aksyunan ang ganitong pahayag. Maliwanag na isa itong death threat? At pakyawan pa. Paano kung may senador – kahit isa lang – na biglang pinatay at hindi nahuli ang dumedo? Sino ang #1 suspek?

##########

Kamakailan ay iniulat ng Philippine Center for Investigative Journalism na ang mga kandidato sa darating na eleksyon sa Mayo ay gumastos na ng mahigit P10 bilyon sa radio-TV ads simula Enero hanggang Disyembre nitong nakaraaang taon.

At sa limpak na salaping ito para sa publisidad, ang P6 bilyon ay nagmula sa pondo ng apat lang na kandidatong senador. May paktori siguro ng kwarta ang mga ito.

Isa itong patunay na ang eleksyon sa Pilipinas lalo na sa national positions – presidente, vice president at senador – ay labanan ng padamihan ng pera. Pambayad sa advertisement sa traditional media (radyo, TV at peryodiko) at social media upang magkaroon sila ng magandang public image kahit na sa totoong buhay ay nakasusuka ang kanilang pagkatao.

Isa pang mas malaking gastos ay ang pambili ng pabor o boto sa mga politiko sa ibaba – probinsya, siyudad, bayan hanggang barangay.

At sa pagdaan ng maraming eleksyon sa kasalukuyang panahon, lalong lumalaki ang kailangang badyet. Maswerte ang mananalo sa halalan at may pagbabawian sila ng ginastos – ang pagnanakaw sa pondo ng pamahalaan. Kapiranggot lang ang kabuuang sweldo nila sa panahon ng panunungkulan. Paano ‘yung mga natalo? Nakanganga at maglulupasay. Ang iba naman ay nakataas pa rin ang noo dahil naghandog sila ng sarili upang matapat na maglingkod sa bayan dangan nga lamang ay mas pinili ng botante ang mga sikat kahit na payaso dahil sa pera.

Ganito ang umiiral na sistema sa ating bansa kaya lalong lumulubog sa kahirapan ang mamamayan at lumolobo naman ang utang ng ating gobyerno. Ang ugat – KORAPSYON sa bawat ahensya at antas ng pamahalaan. At isang dahilan ang magastos na eleksyon.

##########

Ano bang meron sa gobyerno at maraming gustong maging halal na opisyal nito?

Ito ang palasak at pinakagasgas na rason ng mga kandidato – ang makapaglingkod sa taong-bayan. Pero sa totoo ay ito ang pinakatumbok na dahilan – ang magamit nila ang impluwensya ng posisyon at magpayaman sa pamamagitan ng pagnanakaw sa pondo ng pamahalaan. Bonus pa ang tawagin silang “kagalang-galang”.

24

Related posts

Leave a Comment