KAGANAPAN SA SENADO, MAY EPEKTO KAYA SA DRUG WAR?

POINT OF VIEW

Parang isang mainit na bakal na binuhusan ng napakalamig na tubig ang kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte kontra sa ilegal na droga.

Kasunod ng sinabi ng dati at kasalukuyang opisyal ng Philippine National Police (PNP), na may kaugnayan sa mga nagaganap na katiwalian at pang-aabuso ng ilang tauhan at opisyal ng PNP sa pagpapatupad ng nasabing kampanya.

Nakakagulat talaga ang isiniwalat ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Chief Aaron Aqunio sa Senate hearing. Ito ang ilegal na mga gawain ng mga tiwali at abusadong pulis na kanilang tinaguriang “ninja cops.” Ang ninja cops umano ang nagre-recycle sa mga nasasamsam nilang illegal drugs sa mga isinagawang legal na operasyon at ibinabalik din daw ito sa pamilihan sa pamamagitan ng pagbebenta rin sa mga kasabwat na drug lords.

Pinalakas pa ang pasabog nang susugan ni dating PNP-Criminal Investigation and Detection Chief at ngayon ay Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang mga isiniwalat ni Aquino nang humarap din ito sa nasabing Senate hearing. Partikular na binanggit nito ang naganap na drug buy-bust operation noong 2013 sa Pampanga at pinangalanan pa ang 13 ninja cops at ang umano’y “protector” ng mga ito na ang kasalukuyang PNP Chief General Oscar Albayalde, na noo’y police provincial director sa nasabing lalawigan.

Nakakapanghinang isipin ang isyung ito na malaking dagok para sa programa ng kasalukuyang gobyerno kontra sa paglipana ng illegal drugs sa bansa.

Parang nawala na ang decency at hindi na kapani-paniwala ang kampanyang ito ng gobyerno ngayong nalaman na ng publiko ang kanilang mga ilegal na gawain.

Paano nga naman masusugpo ang ilegal na droga kung ang mismong mga tagapagpatupad nito ay sila rin ang lumalabag.

Paano na ang nasayang na mga buhay ng sinasabing 12,000 na mga nasawi sa kampanyang ito ng gobyerno simula nang umupo si Pangulong Duterte?

Sinasabi ng ilang nakausap natin, na baka kahit maubos o mapatay na lahat ng users at pushers, hindi pa rin masasawata ang pagkalat ng ilegal drugs dahil mismong mga taga-gobyerno din pala ang nagpapakalat.

Sayang naman ang pagsisikap ng pangulo para sa pangunahing programa ng kanyang administrasyon na sinisira lamang dahil sa ilang bugok na tauhan at opisyal ng PNP.

Kaya pala hindi nakapagtataka kung bakit nakalulusot sa Bureau of Customs ang bilyun-bilyong halaga ng shabu at iba pang illegal drugs kahit lahat nang iniupo dito ay mga sinasabing matitikas na heneral ng pulis at  military. (Point of View / NEOLITA R. DE LEON)

222

Related posts

Leave a Comment