KAGAWAD, 3 PA HULI SA OVERPRICED ALCOHOL  

BACOLOD City – Bagsak sa kulungan ang isang kawani ng munisipyo at barangay kagawad makaraang madakip ng mga awtoridad sa ikinasang entrapment operation dahil sa pagbebenta ng overpriced na alcohol nitong Lunes sa lungsod na ito.

Kinilala ang mga suspek na sina Mary Grace Aluhipan, 33-anyos na kawani ng munisipyo, residente ng Barangay 1, Pontevedra, Negros Occidental, at Kagawad Janice Fernandez, ng Hustisya Street, Barangay 1, Pontevedra.

Kasama rin sa inaresto ang dalawa pang mga suspek na sina George Chua, 55, ng Barangay 1, Pontevedra, at Ricardo Uy ng Burgos Street, Barangay 17, Bacolod City.

Batay sa report ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Bacolod, isinagawa ang operasyon sa BS Aquino Drive, Barangay Villamonte, Bacolod City.

Sinabi ng mga awtoridad, nakatanggap sila ng report hinggil sa pagbebenta ng mga suspek sa online ng overpriced na refill ng ethyl alcohol na nakalagay sa plastic container.

Ibinebenta nila sa halagang P3,900 ang 18 liters na plastic container ng ethyl alcohol habang P2,700 lamang ang suggested retail price.

Dahil dito, agad inilatag ng CIDG ang buy-bust operation na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 7581 o Price Act Law. (ANNIE PINEDA)

172

Related posts

Leave a Comment