LUMAKI ang volume amount ng domestic waste o basura sa mga kabahayan sa mga nagdaang linggo sanhi ng pinaiiral na strict home quarantine alinsunod sa enhanced
community quarantine (ECQ) kaugnay ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) outbreak sa bansa.
Base sa pag-aaral, ang basura ng bawat kabahayan ngayong umiiral ang home quarantine ay lumilikha ng mahigit kalahating kilo o 15-20 kilos kada buwan partikular na sa Gitnang Luzon.
Mababatid na kabilang sa essential services ng Inter Agency Task Force (IATF) ay ang pangongolekta at maayos na disposal ng basura upang mapangalagaan ang kalusugan ng publiko.
Ang wastong pamamahala ng basura ng mga kabahayan ay nagiging kritikal lalo na sa oras at ganitong sitwasyon kung kaya nararapat na mapagtuunan din ng pansin.
Kaugnay nito, ang Metro Clark Waste Management Corporation (MCWMC), isang engineered sanitary landfill na matatagpuan sa Capas, Tarlac ay nananatili sa operasyon at mayroong 100 personnel (drivers, helpers, staffs) na patuloy sa kanilang hauling and disposal services at tumatanggap ng basura sa kanilang disposal site.
Ayon kay Vicky Gaetos, MCWM Executive Vice President, maituturing ding frontliners ang mga tagakolekta ng basura at waste disposal site workers. 24/7 sila kung magtrabaho upang hindi tumambak ang basura sa mga kabahayan sa Central Luzon.
Kung hindi aniya maayos na makokolekta ang mga basura ay posibleng malagay at ma-expose sa panganib ang kalusugan ng bawat residente o ng isang pamilya na kung saan sa panahon ngayon ay kailangan ng dobleng pag-iingat sa kalusugan upang makaiwas sa sakit na idudulot nito, ani Gaetos.
“Hindi lang virus ang makukuha sa basura na siyang pinagmumulan ng ibat ibang klase ng sakit kaya minabuti ng MCWMC na ipagpatuloy ang pagkolekta ng basura upang makatulong at maiwasan ang pagkalat ng mga karamdaman,” paliwanag ni Gaetos. ELOISA SILVERIO
297
