MAKASAYSAYAN ang pagbasura ng 70 kongresista sa aplikasyon ng panibagong 25 taong prangkisa ng ABS-CBN Corporation.
Ngayon lang naganap ang seryosong paglaban ng malaking bilang ng mga mambabatas sa makapangyarihang oligarko.
Kaya, kahanga-hanga ang desisyon at aksiyon ng pitumpong kongresista na tawagin nating “Patriotic 70.”
Interes, kagalingan at kinabukasan ng Pilipinas ang ginawang “pagpatay” nila sa aplikasyon ng prangkisa ng ABS-CBN.
Dahil sa naganap, napakaraming humahanga at pumupuri sa 70 kongresista.
Naniniwala ang pinakamalaking bilang ng mayorya ng mamamayang Filipino na nakamit nila ang katarungan laban sa oligarkiyang nagpapatakbo ng dambuhalang media company sa Pilipinas.
Batay sa rekord ng Kamara de Representantes, ilang dekada nang niloko ng mga oligarko sa ABS-CBN ang mamamayan at nilamangan din pati ang pamahalaan.
Tinawag na Patriotic 70 ang mga mambabatas na bumoto ng “yes” laban sa prangkisa ng ABS-CBN dahil sila ang naging boses at tagapagtanggol ng mamamayan sa 13 pagdinig.
Napakalinaw ng pagsasakripisyo ng Patriotic 70 sa mga pagdinig na maagang nagsisimula at inaabot ng gabi may mga pagkakataon din na hanggang hatinggabi pa upang mahimay at mabusisi nang husto ang mga desisyon at aksyon ng ABS-CBN tungkol sa mga probisyon ng Konstitusyon at mga batas na may kaugnayan sa operasyon at negosyo ng ABS-CBN Corporation sa nakalipas na 25 taon.
Sa halip na asikasuhin ang kani-kanilang mga pamilya sa kasagsagan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) dahil recess ang Kongreso, mas pinili ng pitumpong kongresista na maghanda, mag-aral at lumahok sa bawat pagdinig upang maibunyag ang mga ‘krimeng’ nagawa ng ABS-CBN sa taumbayan at pamahalaan.
Sa halip na online platform ang gamitin sa pagdinig, ilan sa mga kongresista ay mas ginustong magpunta sa Batasan upang direktang lumahok sa mga deliberasyon ng House Committee on Legislative Franchises at Committee on Good Government and Public Accountability.
Tunay na kahanga-hanga ang nasabing mga kongresista, kaya sumasaludo kami sa inyo, Patriotic 70!
Maliban sa Patriotic 70, mayroon ding tinatawag na “Magnificent 7”.
Sila ang mga kongresistang namumuno sa Kamara na namahala at nagtimon upang matiyak na magiging patas ang mga pagdinig sa lahat ng kasaling partido, lalung-lalo na ang mga may-ari at pamunuan ng ABS-CBN.
Ang tinutukoy na Magnificent 7 ay sina Speaker Alan Peter Cayetano, Deputy Speaker Jesus Crispin Remulla, Deputy Speaker Rodante Marcoleta, Committee on Legislative Franchises chairman Rep.
Franz Alvarez, Rep. Jose Antonio Sy-Alvarado, Rep. Mike Defensor, at Rep. Elpidio Barzaga.
Mahusay at napakahalaga rin ang ipinakitang sipag at direksyon ni Majority Leader Martin Romualdez upang maikasa ang buong iskedyul ng mga pagdinig.
Nararapat din silang purihin, palakpakan at iparating ang mga salitang: “Mabuhay po kayo mga sir!”
Totoong madugo ang naging proseso kung saan may ilang nasugatan ang damdamin, o lumuha.
Ang importante, nakamit ang katarungang matagal nang inaasam laban sa oligarko.
Ang maganda sa naganap ay naging malinaw sa mamamayang Filipino ang nilabag na mga batas,
kabilang na ang Saligang – Batas, ang pundamental na batas ng bansa, ng ABS-CBN.
Nangunguna sa nilabag ay ang U.S. citizenship ni ABS-CBN chairman emeritus Eugenio “Gabby” Lopez III na Konstitusyon ang nabalewala sa isyung ito.
Solidong kumabit sa mga paglabag ay ang pag-iisyu ng Philippine Depositary Receipts (PDRs) sa mga dayuhan kung saan napaikutan ang batas dahil bawal magmay-ari ang mga ito ng alinmang media company sa bansa, ang hindi pagbabayad ng tamang buwis, ang pekeng block-time deal sa pagitan ng ABS-CBN at AMCARA (dummy account lang ng una), at iba pa.
Nagbalita at binatikos ng ABS-CBN ang notoryus na kontraktualisasyon, ngunit napakaraming empleyado nito ang kontraktuwal kahit mahigit anim na buwan na silang nagtatrabaho sa iba’t ibang dibisyon at programa ng ABS-CBN.
Pokaragat na ‘yan!
