(BERNARD TAGUINOD)
NABUKO ang kahinaan ng Philippine National Police (PNP) sa pag-iimbestiga sa kaso ng pagkamatay ng isang tao tulad ng fligh attendant na si Christine Angelica Dacera.
Dahil dito, iginiit ni Iloilo Rep. Janette Garin na panahon na para rebyuhin at baguhin ang sistema ng PNP sa pag-iimbestiga sa mga kasong katulad ng kay Dacera upang maiwasan ang kalituhan na posibleng maging dahilan para hindi mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ng isang tao.
“This brings me to the reality that our death investigation system needs to change and adapt. This case showed us how weak our system is: statements to the media were made without medico legal results then another statement was made after SOCO has conducted their autopsy; whereas the family is dissatisfied, thus another autopsy was ordered but the body has already been embalmed,” ani Garin.
Lumilitaw aniya na nagkaroon ng “poor coordination” at “poor communication” at hindi nailagay sa tama ang sistema ng imbestigayon sa pagkamatay ni Dacera dahil sa pagmamadali ng PNP.
Sinabi ng mambabatas na hindi dapat maglabas ng statement ang PNP nang walang autopsy findings at forensic pathology investigation dahil lalo lamang itong makapagpapagulo sa imbestigasyon.
“Hindi dapat naglalabas ng mga premature statement sa media lalo na kung walang pruweba at pawang haka-haka pa lang. It is reckless. It is wrong. Innocent people are wrongly accused and actual perpetrators get away without a scratch, without remorse,” ayon sa mambabatas.
PABUYA BINAWI
Samantala, binawi na ni ACT-CIS party-list Rep. Eric Yap ang P100,000 na pabuyang inilaan nito matapos magpakita na sa publiko ang mga person of interest sa pagkamatay ni Dacera.
“We suppose that there is no need to recall per se the bounty placed on the persons of interest in the death of Christine Angelica Dacera. In principle, the bounty is now considered as moot and now off the table as they have already voluntarily presented themselves and now cooperating in the investigation,” ani Yap.
Unang inalok ni Yap ang nasabing pabuya dahil 3 lamang sa 11 persons of interest sa nasabing kaso ang nasa kustodya ng PNP subalit nitong mga nakaraang araw ay nagpakita na sa publiko ang mga ito.
PACMAN NAGMATIGAS
Sa kabilang dako, nanindigan at hindi binawi ni Senador Manny Pacquaio ang pabuyang kalahating milyon sa sinomang makahuhuli sa natitira pang suspek sa Dacera case taliwas sa kahilingan ng abogado nila.
Sa pahayag, muling nakiusap si Pacquiao sa mga suspek na isuko ang sarili sa pulisya o National Bureau of Investigation (NBI) upang mabigyan ng kaliwanagan ang mga pangyayari at mahanap ang katotohanan.
“Muli akong nakikiusap sa iba pang mga nasasangkot sa kaso ng pagkamatay ng aking kababayang si Christine Dacera na kusang iharap ang kanilang sarili sa Philippine National Police (PNP) o alinman sa ating mga law enforcement agencies na gaya ng National Bureau of Investigation (NBI),” ayon kay Pacquiao.
Dahil dito, sinabi ni Pacquiao na nananatili ang itinakdang pabuya na nagkakahalagang P500,000 upang matunton ang iba pang sangkot sa kaso.
“Let it be clear however that this bounty was put up only to ensure that all the people who were present on the night leading to the discovery of Christine’s lifeless body would come forward and shed light about this incident. They must submit themselves to investigating authorities so that we will know what really happened,” giit ni Pacquiao.
Sinabi ni Pacquiao na sakaling sumuko ang mga suspek, personal na ibibigay nito ang naturang halaga sa pamilya ng biktima.
Nauna nang umapela ang abogado ng mga kaibigan ng biktima na isinasangkot sa kaso na bawiin ang pabuya dahil posibleng malagay sa panganib o harassment ang mga idinadawit matapos magreklamo ang ilan sa mga ito na may sumusunod at kumukuha ng video sa kanila. (May dagdag na ulat si ESTONG REYES)
