KAHIRAPAN SA TAG-ULAN

AT YOUR SERVICE ni KA FRANCIS

MARAMING dahilan kung bakit nararanasan ng mga Pilipino ang kahirapan sa panahon tag-ulan na nagsisimula sa buwan ng Hunyo hanggang Nobyembre taun-taon.

Pagdating ng buwan ng Hunyo kung kailan simula na ng tag-ulan ay siya namang simula rin ng pasukan ng klase sa mga paaralan.

Bago pa man ang pasukan ng klase ng ating mga estudyante ay kailangan ng mga magulang ng budget para sa pangangailangan ng mga anak tulad ng school supplies, uniporme at pera para sa enrollment ng kanilang mga mag-aaral.

Kung kailan pa man din mahirap kitain ang pera sa panahon ng tag-ulan ay saka naman ang pagdagsa ng gastusin ng bawat pamilyang Pilipino.

Sa tuwing tag-ulan sa bansa, kaakibat nito ang pagbaha sa iba’t-ibang lugar partikular sa Metro Manila na halos hindi na makapaghanapbuhay ang mga Pilipino. Walang trabaho, walang income siyempre.

Sa buwan ng Hunyo hanggang Nobyembre kada taon ay rito pumapasok ang malalakas na mga bagyo sa bansa.

Sa pagtataya ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), sa loob ng isang taon ay humigit-kumulang sa 20 bagyo ang pumapasok sa Pilipinas.

Kadalasang pumapasok ang mga bagyo sa buwan ng Hunyo hanggang Nobyembre kaya rito tayo nakararanas ng kahirapan.

Madalas nangyayari ang malalakas na bagyo sa buwan ng Nobyembre, minsan mayroon pang pumapasok pagdating ng Disyembre.

Kung simula Hunyo hanggang Nobyembre, anim na buwan taghirap ang mga Pilipino, makababawi lang ng kaunti pagdating ng mga buwan ng Disyembre hanggang Mayo.

Hindi pa rin siguradong makakaalagwa sa kahirapan si Juan dela Cruz dahil sa mga buwan ng Disyembre hanggang Mayo ay panahon ng tagtuyot dahil nariyan naman ang pananalasa ng El Niño.

Sa panahong ito apektado naman ang mga pananim ng mga Pilipinong magsasaka sa mga lalawigan.

Kung problema ang baha sa panahon ng tag-ulan na tinatawag ng mga eksperto bilang La Niña, malaking problema rin natin ang tag-init o El Niño.

Kinakailangan nang mag-isip ang pamahalaan kung ano ang pinakamagandang diskarte para maibsan ang epekto ng natural na mga kalamidad na dumarating sa ating bansa.

Sa panahon ng tag-ulan kinakailangan nating mag-imbak ng tubig, para pagdating naman ng tag-init ay hindi natin magiging problema ang tubig.

Maraming mga lugar sa bansa na pagdating ng tag-init o El Niño ay hindi natataniman ng mga magsasaka ang kanilang mga lupain dahil sa kawalan ng irigasyon o patubig.

Kung nagagawan ito ng solusyon ng gobyerno malamang ay hindi tayo naghihirap sa suplay ng bigas at iba pang agri-products.

Isa pa man ding agricultural country ang Pilipinas pero kinakapos tayo ng agricultural products, paano nangyari ‘yun?

‘Wag tayong umasa sa pag-import ng mga produkto, gumawa tayo ng sariling atin.

Kailangang suportahan natin ang ating mga magsasaka para hindi magutom ang mga Pilipino. Ang nagagawa ba ng mga kalapit nating bansa ay hindi natin kayang gawin?

Sa katunayan ang mga propesor natin sa University of Philippines (UP) sa Los Baños, Laguna ang mga naging teacher noong araw ng mga magagaling na bansa ngayon sa Asya, pagdating sa usapin ng agrikultura. Anyare sa atin? Aasa na lang ba tayo sa imported products? Gising na Pilipinas, tanghali na! ‘Wag nating antayin na kikilos tayo na palubog na ang araw.

oOo

Para sa inyong katanungan, maaari po kayong mag-text o tumawag sa cell# 0917-861-0106.

1

Related posts

Leave a Comment