Kahit Hotshots angat na ng 1 sa Bolts SANGALANG KALMA LANG

Ni ANN ENCARNACION

BANTAY-SARADO kay Magnolia big man Ian Sangalang hindi lang ang kanyang mga kalaban kundi maging ang kanyang emosyon habang naglalaro.

Ayon sa 6-foot-10 Hotshots, hanggang ma­aari ay ayaw niyang magpadala sa kanyang emosyon sa gitna ng laro upang hindi masira ang pokus niya na manalo.

“Sabi nga ni coach Chito (Victolero) semis na ito, kaya mataas talaga ang emotion,” sabi ni Sangalang sa post game ng best-of-seven semis ng 2021 PBA Philippine Cup sa pagitan ng Magnolia at Meralco noong weekend kung kailan nakuha ng Hotshots ang unang panalo sa serye.

“Doon ako natsa-challenge sa mga nangyayari na ganun. So once nangyari yun, ginaganahan ako, kailangan mag-step up ako,” dagdag ng tinanghal na Best Player of the Game.

At pinatunayan ni Sangalang na kaya niyang maging kalmado kahit naging mainit ang Game 1 sa pagitan ng Hotshots at Bolts nang magtala siya ng 18 puntos at walong rebound sa 88-79 victory ng Pambansang Manok noong Linggo sa Don Honorio Ventura State University gym sa Bacolor, Pampanga.

Aminado siya na mataas ang emosyon ng lahat dahil isang hakbang na lang ang Final Four (TNT-SMB, at Magnolia-Meralco) sa All-Pinoy Cup Finals, ngunit kailangan aniya ay kalma lang at pokus sa laro.

“Na-handle namin yung emotion na yun. Once na-handle namin, wala kaming iniisip, laro lang kami, sila coach na lang ang bahala sa sidelines, mananalo kami,” wika ni Sangalang.

Sa sobrang init ng Game 1 ng Hotshots at Bolts ay hindi naiwasan ang palitan ng maaanghang na salita at pisikalan sa pagitan nina Cliff Hodge at Jackson Corpuz na nauwi sa technical fouls ng dalawang koponan.

Maging si Magnolia coach Chito Victolero ay hindi naiwasan ang verbal confrontation kay ­Meralco big man Raymond Almazan, habang ang Bolts guard na si Allein Maliksi ay nakipagsigawan sa ilang manlalaro ng Hotshots sa pagtatapos ng laro.

171

Related posts

Leave a Comment