NANINDIGAN si Philippine National Police (PNP) chief General Guillermo Eleazar na ang kapulisan ay walang kinikilingan. Kaya naman kanyang direktiba – bawal ang mga campaign posters sa lahat ng kampo, himpilan ng pulisya at kahit pa sa mga police detachments nito.
Maging ang mga sasakyan ng pulisya, off-limits din at di pwedeng gamitin sa anomang paraan ng pangangampanya – kahit pa stickers, bawal, aniya.
Sa isang kalatas, inatasan ni Eleazar ang lahat ng police personnel na iwasan mabahiran ng pulitika ang kanilang institusyon, lalo pa’t inaasahan ang pagratsada ng pamumulitika at kampanya sa pagtatapos ng itinakdang panahon ng Commission on Elections (Comelec) para sa paghahain ng kandidatura para sa 2022 general elections.
“Inaasahan natin na pagkatapos ng prosesong ito ay magsusulputan na ang mga stickers at mga posters ng mga ilang kandidato para sa maagang pangangampanya,” pahayag ni PNP Chief.
“Kaya muli ay pinapaalalahanan natin ang aming kapulisan na wala dapat nakadikit na mga ganitong uri ng early campaign materials sa mga sasakyan ng pulis, mga police stations at maging sa mga kampo,” dagdag pa ng heneral.
“We understand that there has been an unresolved gray area on this issue but we assure the public that we will continue to isolate your PNP from any form of partisan politics. As a professional organization, the apolitical stand of the PNP is an absolute necessity. We intend to keep it that way.”
NAGHAIN NG COCs
Samantala, sa pagpapatuloy ng filing ng certificate of candidacy (COC), kabilang sa mga naghain kahapon ang tambalang Quezon City Mayor Joy Belmonte at anak ni Senate president Tito Sotto na si Gian Sotto na muling susubok sa pagkabise-alkalde.
Si Belmonte ay tumatakbo sa pagka-mayor sa ilalim ng lokal na partido na Serbisyo sa Bayan Party o SBP. Ito na ang ikalawa niyang pagsabak sa pagka-alkalde ng lungsod matapos talunin noong 2016 si dating Congressman Bingbong Crisologo.
Sa lungsod ng San Juan ay naghain na rin ng COC si incumbent Mayor Francis Zamora. Kasabay niyang naghain ng COC ang mga makakasama niya sa ticket na sina Vice Mayor Warren Villa at Angelo Agcaoili.
Sakaling manalong muli, ito na ang ikatlong termino bilang alkalde ni Zamora.
Sa lalawigan naman ng Laguna, pormal nang naghain ng kandidatura para gobernador ang three-term congresswoman at dating mamamahayag na si Sol Aragones. Kasabay naman niyang nagsumite ng Certificate of Candidacy (COC) ang kanyang katambal na si Jerico Ejercito, anak ni dating Laguna Governor ER Ejercito.
Tatapatan ng dating reporter ng ABS-CBN ang nakaupong gobernador na si Ramil Hernandez.
Sa San Pablo City, sa lalawigan pa rin ng Laguna, naghain ng kanyang Certificate of Candidacy (COC) si dating San Pablo City Mayor Vicente Amante.
Target ng 72-anyos na si Amante na mabawi ang pwestong hinawakan niya sa loob ng 18 taon bago pa ito naipasa sa anak na si San Pablo City Mayor Amben Amante na nasa ikatlo at huli na niyang termino.
Sa dokumentong isinumite ni Amante sa Comelec, lumalabas na nanungkulan na itong alkalde mula 1992 hanggang 2001. Taong 2004 hanggang 2013, nagsilbi naman itong chairman of the board of trustees ng Dalubhasaan ng Lungsod ng San Pablo (DLSP).
Kakandidato naman sa pagka kongresista ng ikatlong distrito ng lalawigan ang anak nitong alkalde. (JESSE KABEL/CYRILL QUILO)
243
