NANINIWALA ang pinuno ng pinakamalaking alyansa ng mga samahan at unyon ng mga manggagawa sa bansa na nakatanim pa rin ang “mafia” sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) dahil dalawang opisyal lang ang nagbitiw sa ahensya.
Kumbinsido si Atty. Jose Sonny Matula, tagapangulo ng Nagkaisa labor coalition, na “marami pang sanngkot” sa korapsyon at pandarambong sa PhilHealth kahit nagbitiw na sa tungkulin ang pangulo nito na si Ricardo Morales at pangalawang pangulo na si Rodolfo Del Rosario Jr.
Nagbitiw si Morales kamakalawa (Agosto 27), samantalang si Del Rosario ay nitong Agosto 24.
Sina Morales at Del Rosario ay itinuturong parte ng “mafia” sa PhilHealth.
Ang mafia ay ang sinasabing sindikatong kumikita mula sa bilyun-bilyong halaga ng mga transaksyon at proyekto ng PhilHealth.
Idiniin ni Matula na “kailangang linisin ang sistema [sa PhilHealth, lalo pa] na marami pang sangkot” sa korapsyon at pandarambong.
Batay sa imbestigasyon ng Senado, umabot sa P154 bilyon ang nalagas sa pondo ng PhilHealth mula 2002 hanggang 2008.
Maliban d’yan, nabisto rin ang P15 bilyon nakurakot mula nang maging pangulo at chief executive officer si Morales ng ahensiya noong Hulyo 2019.
Umaasa si Matula na sa imbestigasyon ng Task Force PhilHealth na pinamumunuan ng Department of Justice (DOJ) ay magsisimulang maganap ang “cleansing” sa PhilHeath. (NELSON S. BADILLA)
141
