Kahit wala sa search warrant, wala ring presensiya ng abogado 124 PCS VAULT SA POGO HUB SINAMSAM NG PNP

PANIBAGONG kontrobersiya ang kinakaharap ng Philippine National Police (PNP) matapos malaman na isa-isang sinira, binaklas at sinamsam ng pulisya ang may 124 pieces ng vault sa POGO hub na sinalakay noong Lunes ng gabi (June 26) sa Las Pinas City.

Nangyari umano ang paninira sa vault nitong Biyernes, June 30, sa kabila umano na hindi kasama sa ‘search warrant’ ng PNP ang pagsamsam sa mga ito na nasa gusali ng Hong Tai Compound sa 501 Alabang, Zapote, Road, Almanza, ng nasabing lungsod.

Sa reklamo, ginawa ang pagwasak sa vault nang walang presensiya ng may-ari, abogado o representante ng Xinchuang Network Technology Inc., na isang malaking paglabag sa itinatadhana ng batas.

Kasama sa nasamsam ang hindi pa mabilang na multi-milyon pisong pera at mga dokumento ng mga Chinese POGO employees.

Maging ang pera, alahas, cellular phone at mahahalagang gamit ng mga empleyado ay kinumpiska rin ng pulisya.

“Hindi totoong rescue kasi wala silang kalayaan są loob,” sabi ng isang ginang na ang asawang Pinoy ay kabilang sa hindi pinapalabas ng pulisya. Ilang araw na aniya silang nagrereklamo dahil wala silang pagkain, walang tubig, walang kuryente at de numero ang kanilang kilos at galaw.

Maging ang benta ng mga grocery sa loob ng naturang compound ay niransak din ng pulisya, ayon pa sa sumbong.

Samantala, hiniling ng pamunuan ng Xianchuang Network Technology Inc. na sana’y maging patas ang PNP sa isinasagawa nilang imbestigasyon.

Sa kanilang sulat na ipinadala kay PNP chief  Gen. Benjamin Acorda, Jr, sinabi ni  Atty. Christian Vargas ng Vargas Law Office na mahigit 72 oras nang hawak ng mga awtoridad ang mga biktima.

Nabigo aniya ang pulisya na magsampa ng anomang kaso na malinaw na paglabag sa karapatan ng mga biktima at maituturing na arbitrary detention.

Sinabi ni Atty. Vargas na pinapirma ang mga foreign national ng mga dokumento na walang assistance mula sa kanilang abogado.

Nakatanggap din sila ng ulat na walong foreign nationals ang inabuso at sinaktan ng mga awtoridad.

Tatlo sa mga ito ay Chinese nationals na nagtamo ng major injuries.

Sinabi ng source na karamihan sa nasaktan ay humiling na dalhin sila sa hospital, ngunit tumanggi umano ang pulisya.

397

Related posts

Leave a Comment