DPA ni BERNARD TAGUINOD
MARAMI ang nagtatanong kung magkakaroon pa bang kredibilidad ang sistema ng eleksyon sa Pilipinas dahil kahit anong uri ng counting machines ang gagamitin ay may mga kalokohan pa ring nangyayari?
Pinalitan ng Commission on Elections (Comelec) ang Smartmatic dahil marami ang nagdududa sa resulta ng eleksyong hinawakan ng kumpanyang ito lalo na noong 2013, 2016, 2019, 2022, at ipinalit si Miru.
Pero tulad ng Smartmatic, maraming problema ang naitala sa counting machines ng Miru katulad ng iba ang lumabas na kandidato sa ibinoto ng mga tao kaya nagkaroon daw ng double entry o ‘yung binilang na, binilang pa ulit.
Dahil sa ganyang mga problema, tila nawawalan na ng pag-asa ang mga Pilipino na magkakaroon ng credible election sa ating bansa kaya may mga kababayan talaga tayo na hindi na lang bumoboto.
Idagdag mo pa riyan ang harap-harapang pamimili ng boto ng mga kandidato lalo na sa local mula Sangguniang Bayan hanggang sa mga congressman at party-list group, para matiyak lang ang kanilang panalo.
May probinsya akong tinutukan noong nakaraang kampanya at nakalulula ang bilihan at bentahan ng boto dahil ang mga congressional candidate at gubernatorial candidate ay hindi bababa sa P2,000 ang budget nila kada botante.
Binibili rin ng mga mayoralty candidate ng P1,000 hanggang P1,500 ang boto lalo na kung mahigpit ang labanan at ‘yung mga Sangguniang Bayan candidate ay namimili rin ng P50 bawat tao.
Kaya maraming SB candidate ang hindi na nangangampanya pero nananalo dahil ‘yung gagastusin nila sa pangangampanya ay ginagamit na lamang nila sa vote buying, kaya hindi alam ng mga tao ang kanilang plataporma.
Marami ring party-list ang hindi nangangampanya at puro sila tarpaulin lang pero nananalo dahil namimili sila ng boto mula P200 hanggang P500, kaya dehado talaga ang marginalized sectors.
Alam ng Comelec ang malawakang vote buying pero wala namang kapangyarihan ang mga iyan para manghuli dahil kailangan nila ng tulong ng mga pulis. Paano tutulong ang mga pulis kung ang target na hulihin ay mga kapartido o tao ni Mayor? Sige nga!
Kaya hindi lang ang makina ng Comelec na ginastusan natin ng bilyong-bilyong piso, ang nagpapababa sa kredibilidad ng eleksyon sa ating bansa kundi ang malamyang kampanya laban sa vote buying!
Pero sabi nga, it takes two to tango kaya nagtatagumpay ang mga kandidatong namimili ng boto, at hindi sila nahuhuli dahil kasabwat nila ang mga botante na nagbenta sa kanila ng kanilang sagradong boto.
