Kakapusan ng suplay ng asukal tinalakay FOOD MANUFACTURERS PINULONG NI PBBM

(CHRISTIAN DALE)

TINALAKAY ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga miyembro ng Philippine Chamber of Food Manufacturers, Inc. (PCFMI), ang posibleng solusyon sa kakapusan ng suplay ng asukal sa bansa.

“Tayo ay nakipagtalakayan sa mga miyembro ng Philippine Chamber of Food Manufacturers upang masolusyunan ang kakulangan ng asukal sa bansa,” ayon Kay Pangulong Marcos sa kanyang official Facebook page.

Wala namang ibinigay na karagdagang detalye sa usaping ito subalit tiniyak ni Pangulong Marcos na gagawin ng gobyerno ang lahat ng makakaya nito upang pigilan ang pagtaas ng presyo ng asukal upang ang lahat ng negosyo ay mapanatiling tumatakbo o operational at matiyak ang seguridad sa trabaho.

“Hangad natin ang maayos na takbo ng mga negosyo at magkaroon ng seguridad sa trabaho ang mga kababayan natin sa industriya ng fast-moving consumer goods o FMCG kaya naman ating sinusuri ang pagtatakda ng malinaw na sistema na may kinalaman sa pagtaas ng suplay ng asukal,” aniya pa rin.

Sa kabilang dako, ang PCFMI ay pangunahing organisasyon ng mga “manufacturers and distributors” ng food products sa Pilipinas.

Responsable ito sa pagbibigay sa mga consumer ng ligtas, masustansiya at abot-kayang halaga ng processed food products alinsunod sa local at international standards and regulations.
Kaugnay nito, posibleng umangkat ang bansa ng 150,000 metriko tonelada ng asukal pagdating ng Oktubre.

Sa kanyang lingguhang vlog na ini-upload noong Linggo, ipinaliwanag ng Punong Ehekutibo na sapat na ang kasalukuyang imbentaryo ng asukal sa bansa at hindi na kailangan pang mag-import.

Bago anya mag-import ng panibagong asukal ay dapat ubusin na muna ang kasalukuyang suplay.

Sa kanyang kalkulasyon, ang suplay ay maaaring lumiit pagsapit ng Oktubre. Pero hindi aniya aabot sa 300,000 MT ang aangkatin.

“Pero kakaunti lang hindi kasing dami ng kanilang sinasabi dati na 300,000 tons. Eh siguro marami — malaki na ‘yung 150,000 tons para sa buong taon na ito,” aniya pa rin.

Nauna nang nanawagan ang Malacañang na imbestigahan ang hindi awtorisadong paglagda sa isang resolusyon ng mga miyembro ng Sugar Regulatory Administration na nag-utos sa pag-angkat ng 300,000 metric tons ng asukal.

209

Related posts

Leave a Comment