KALAHATING KILONG DAMO HAGIP SA CLARK

HINDI pa man ganap na tinatalakay sa plenaryo ng Kamara ang panukalang gawing legal ang paggamit ng marijuana bilang gamot, isang negosyante ang nagtangkang magpasok sa Pilipinas ng halos kalahating kilo ng damong idineklara pang “prescription medicines.”

Sa kalatas ng Bureau of Customs–Port of Clark (BOC-Clark), timbog sa pinagsanib na operasyon ng kawanihan at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang nasa 448 gramo (katumbas ng P672,000) ng pinatuyong dahon ng marijuana.

Batay sa mga dokumentong kalakip ng naturang kontrabandong ikinubli sa 21 canister tubes, nagmula pa sa Quebec, Canada ang drogang nadiskubre ng ahensya gamit ang makabagong X-ray scanners.

Nang suriin ng PDEA ang kontrabando, lumalabas na kumpirmadong marijuana ang idineklarang “prescription medicines.”
Dito na naglabas ng Warrant of Seizure and Detention si BOC-Clark district collector Alexandra Lumontad, kasabay ng direktiba para sa pagsasampa ng kaukulang kaso – kabilang ang paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act) at RA 10863 (Customs Modernization and Tariff Act).

332

Related posts

Leave a Comment