CLICKBAIT ni JO BARLIZO
NAGPAHAYAG si President Ferdinand R. Marcos Jr. ng pakikiisa sa bansa sa pagdiriwang ng ika-127 Anibersaryo ng Proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas.
Sa kanyang mensahe, pinarangalan ng Pangulo ang sakripisyo ng mga bayani na nagkaloob ng kalayaan ng bansa.
Panawagan ni PBBM: pahalagahan ang pamana sa pamamagitan ng pangangalaga ng karapatan at kalayaan, at gamitin itong proteksyon at pagpapaunlad sa buhay ng kapwa mamamayan.
Sa mga nangyayari sa kasalukuyan, kinikilala pa ba ang mga nagsakripisyo para sa bansa?
Sa ngayon, marami ang nagsisikap upang umunlad at maging matatag ang buhay, ngunit marami rin ang hindi panatag ang buhay.
Ang isa sa kalayaan na dapat makamtan ng mga Pilipino ay makawala sa tanikala ng kahirapan.
Bumaba sa 50 porsyento o katumbas ng 14.1 milyong pamilyang Pilipino, ang nagsabing mahirap sila noong Abril, batay sa survey ng Social Weather Stations o SWS.
Ang survey na isinagawa noong Abril 23-28, 2025 ay mababa ng 5 porsyento kumpara sa 55 percent o katumbas ng 15.5 milyon na naitala noong Abril 11-15, 2025.
Sa parehong survey, nasa 41 percent ng pamilya ay nagsabing sila ay food-poor. Ito ay bumaba ng 10 puntos mula sa 51 porsyento noong Disyembre 2024.
Sa survey nakikita ang numero at estadistika, ngunit iba ang reyalidad na napapansin sa kapaligiran.
Marami pa rin ang nagugutom. Hindi rin biro ang bilang ng mga Pilipino na kapos ang kinikita, at higit pa riyan – ang bilang ng mga walang pinagkakakitaan.
May mga hakbang na ginagawa ang pamahalaan upang tugunan ang kahirapan, ngunit kung babantayan ang mga programa, ito ay walang pagkakaisa o koordinasyon kaya ang mga benepisyaryo ng isang programa ay nakalista rin sa iba.
Nadodoble. Nauulit habang ang ibang kwalipikado ay hindi nabibigyan ng tsansa.
Mali ang sistema, ngunit hindi inaayos kaya swerte o may kapit lang ang iba sa naglilista.
Katatapos lang ipagdiwang ang Araw ng Kalayaan. Isang araw ang pagdiriwang, ngunit araw-araw na nagpupumiglas ang karamihan para makawala sa kahirapan.
