RAPIDO Ni PATRICK TULFO
WALA raw katotohanan na aalisin ang sistema ng K-12 sa edukasyon na sinimulang ipinatupad noong termino ni dating Pangulong Noynoy Aquino. Ito ang nilinaw ni VP at incoming DepEd Sec. Sara Duterte.
Bagkus, ang utos daw ni incoming Pres. Bongbong Marcos Jr. ay muling pag-aaralan ang K-12 program ng DepEd na naglalayon na maiangat ang kalidad ng edukasyon sa bansa at makapantay sa lebel ng ibang bansa.
Pero kabaligtaran yata ang nangyayari dahil hindi naman umaangat ang kalidad ng edukasyon sa bansa partikular na ang mga nag-aaral sa mga pampublikong paaralan. Ito ay bumaba pa nga ayon sa isang pag-aaral sa antas ng edukasyon sa bansa.
Dati ang bansa natin ang isa sa may pinakamagandang kalidad ng edukasyon sa buong Asya, matatas tayo sa English at nagpupunta pa ang ating mga kapitbahay sa Asya upang mag-aral. In fact, isa ‘yan sa mga advantages ng mga manggagawang Pilipino sa mga kakumpitensya nito sa mga trabaho overseas.
Ngayon bumaba na tayo sa ranking pagdating sa English proficiency at nahahabol na tayo ng ating mga kapitbahay pagdating sa pagsasalita ng Ingles, nawawala na ang ating advantage o kalamangan pagdating diyan. Tanging mga nag-aaral na lang sa mga pribadong learning institutions ang magaling sa English at kakaunti lang ang mga ito dahil mas maraming mag-aaral ang nasa pampublikong paaralan ngayon.
Ang masama, hindi lamang sa larangan ng English napag-iiwanan ang bansa maging sa Math at Science, kaya nga sinabi ni Pangulong BBM na nais niyang tutukan ni VP Sara Duterte ang mga subject na ito.
Isama na rin ang History o Araling Panglipunan, makalaglag upuan ang kaalaman ng mga mag-aaral ngayon pagdating sa kasaysayan ng ating bansa.
Sino ang makalilimot sa nag-viral na video ng ilang kabataan na sumali sa isang reality show ng isang network. Hindi nasagot ng mga ito ang mga tanong ukol sa mga pambansang bayani.
Tulad ng tanong kung ano ang tawag sa tatlong paring martir na binitay ng mga Kastila? Ang sagot ng mga kalahok ay MAJOJA samantalang alam nating lahat na ito ay GOMBURZA na hango sa mga initial ng apelyido nila, ito ay sina Padre Mariano Gomez, Jose Burgos at Jacinto Zamora.
Hindi lang ‘yan, pati ang tawag sa kinikilalang Ina ng Katipunan na si Melchora Aquino na mas kilala sa tawag na Tandang Sora ay hindi alam ng mga ito dahil ang sagot ng isa sa mga kalahok ay “Ninoy Aquino” raw.
J. Rizal naman daw ang palayaw ng ating pambansang bayaning si Jose Rizal na ang tamang sagot ay Pepe.
And last but not the least ang pinakamahabang tulay raw sa Pilipinas ay SLEX! Que horror!
198
