HINDI pa man humuhupa ang banta ng COVID-19, muling nalagay sa alanganin ang kaligtasan at kalusugan ng mamamayan sa pagsulpot ng monkeypox, dengue at iba pang karamdamang karaniwang laganap sa tuwing tag-ulan.
Bagamat may kagawarang mandato’y isulong ang mga programang pangkalusugan, marami pa rin ang diskumpyado sa kakayahan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa larangan ng kagyat na pagtugon sa gastusing kalakip ng pagkakasakit.
Katunayan, mismong ang gobyerno ay aminadong maraming Pilipino ang pumapanaw nang hindi man lang nilalapatan ng lunas ang iniindang karamdaman. Wala kasing tumatayong guarantor ng mga probreng isinusugod sa mga pagamutan, kaya ang resulta — waiting hanggang sa malagutan ng hininga.
Sa gitna ng pandemya, marami ang umasa sa PhilHealth lalo pa’t buwanan ang kaltas ng naturang ahensya sa mga manggagawa. Pero sa halip na agarang tugon, mas sumikat pa ang naturang ahensya sa malaking kontrobersiya at alegasyon ng katiwalian.
Sa laki ng eskandalong kinasangkutan, nawalan ng tiwala ang masa. Sino ba naman kasi ang hindi matutulig sa laki ng pondong diumano’y nilaspag – sa panahong higit na kailangan ang kanilang pagtugon.
Bagamat kabi-kabila ang mga pagdinig sa Senado at Kamara, nauwi pa rin sa wala ang imbestigasyon. Sa madaling salita, walang kinastigong tiwali sa ahensya.
Nang manumpang ika-17 Pangulo si Ferdinand Marcos Jr., muling umusbong ang pag-asa sa mga programang inilatag niya sa kanyang unang SONA sa kabila ng panibagong banta ng pandemya.
Batid ng pangulo ang mabilis na paglobong muli ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19.
Ang dengue, hindi rin nagpaiwan at nakapagtala pa ng dobleng dami ng pasyente kumpara sa nakalipas na taon. Ang monkeypox, meron na rin tayo at siyempre pa ang usong sakit tuwing tag-ulan – ang lagnat, ubo at sipon.
Ang totoo, hindi biro ang kinakaharap na hamon ng gobyerno sa kabi-kabilang banta sa buhay ng mga tao. Pero nakahanda naman ang pangulo. Aniya, prayoridad sa kanyang termino ang buhay at kabuhayan ng mga Pilipino.
Malaking budget para sa kalusugan, malawakang pagtatayo ng mga pagamutan sa iba’t ibang bahagi ng kapuluan, libreng gamot sa mga maralita, at iba pang mekanismong para sa mabilis at angkop na pagtugon sa mga may iniindang karamdaman.
