KALUSUGAN, KARUNUNGAN AT KABUHAYAN ISUSULONG NG MAHARLIKA PL

INILAHAD ng ikalawang nominee ng Maharlika Party-list na si Alvin Sahagun, presidente at chairman din ng Maharlikang Pilipino party, ang pagsusulong ng kanilang layunin sa pamamagitan ng Kalusugan, Karunungan, at Kabuhayan na maghahatid ng isang bagong pag-asa para sa bawat Pilipino.

Ayon kay Sahagun, nabuo ang Maharlika Party-list upang maging boses ng karaniwang mamamayan—mga manggagawa, guro, magsasaka, at pamilyang nangangarap ng mas maayos na buhay.

Aniya, sa pamumuno ng kanilang unang nominee na si Gng. Rosalie Quizon Balcon, isang matagal nang tagapagtaguyod ng pagbabago sa komunidad, binuo nila ang isang platapormang makatao, makabago, at makatawid-buhay.

Sa Kalusugan, isinusulong ng party-list na palawakin ang serbisyong pangkalusugan sa malalayong lugar, dagdagan ang benepisyo ng mga health worker, at pagtuunan ng pansin ang mental health at preventive care na dapat pantay-pantay na access sa serbisyong medikal para sa lahat.

Pagdating sa Karunungan, naniniwala ang grupo ni Sahagun na ang edukasyon ay dapat abot-kaya, makabago, at inklusibo.

“Bibigyan natin ng suporta ang ating mga guro, palalawakin ang digital learning access, at palalawakin ang mga programang iskolar na may tunay na epekto,” sabi ni Maharlika Party-list 2nd nominee Sahagun.

Para naman sa Kabuhayan, layunin nilang palakasin ang maliliit na negosyo, bigyang suporta ang mga magsasaka at mangingisda, at palawakin ang oportunidad sa trabaho lalo na sa mga nasa laylayan upang bigyang-dignidad ang paghahanapbuhay ng bawat Pilipino.

“Ito po ang adhikain namin nina Gng. Balcon at ng buong Maharlika Party-list—isang lideratong makatao, makabayan, at tunay na para sa tao. Hindi po kami tradisyunal na pulitiko. Kami po ay mga manggagawa, tagapaglingkod, at katuwang ng masa sa tunay na pagbabago,” paliwanag pa nito.

Hinihikayat din ni Sahagun ang mamamayan na samahan sila sa bagong yugto ng liderato sat suportahan ang Maharlika Party-list—para sa Kalusugan, Karunungan, at Kabuhayan ng sambayanang Pilipino.

(Danny Bacolod)

35

Related posts

Leave a Comment