NAGHUGAS-KAMAY ang liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa alegasyon ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na sila ang nasa likod ng demolition job sa lider ng Senado ukol sa budget insertions.
“Bakit kami? Bakit kami ang may kasalanan?,” sagot ni Atty. Princess Abante, tagapagsalita ng Kamara.
Unang kumalat ang impormasyon na si Escudero umano ang nagsingit ng P150 billion sa 2025 national budget na karamihan ay para sa flood control projects na kumalat nang lumubog ang maraming lugar sa bansa dahil sa nagdaang mga bagyo.
Lalong uminit ang usapin nang kastiguhin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang mga flood control project dahil sa matinding pagbaha kaya inutos nito sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na isumite ang listahan ng mga proyektong ito at kasuhan ang mga kontraktor at maging ang kanilang kasabwat sa pagnanakaw sa pondo.
“Ang tanong naman po ay … kay Senate President Chiz, bakit po sa amin ibinabato ang tanong? Bakit pag may mga criticism sa kanya ay tinataasan niya ng kilay ang House of Representatives.
Siguro mas mainam na sagutin na lang po ‘yung tanong,” ayon pa kay Abante.
Nilinaw rin nito na wala siyang impormasyon sa umano’y CCTV footage ukol sa pagdalaw ni Escudero sa Batasan Pambansa compound noong nakaraang taon habang nasa gitna ng deliberasyon sa 2025 national budget.
“Sa amin po, ako personally, hindi ko alam ‘yung tungkol duon sa CCTV. I’m not part of the House at that time,” ayon pa kay Abante.
Nabatid na kumalat umano ang CCTV footage ni Escudero ang pagbisita ni Escudero kahit gabi na at walang pasok dahil holiday subalit abala ang mga mambabatas sa pambansang pondo.
“I cannot [comment] on the CCTV issue. Siguro ang tanong, bakit nga nandidito eh kung tungkol yan sa bicam,” ayon pa sa tagapagsalita ng Kamara.
Samantala, sa kanyang privilege speech kahapon, sinabi ni House Speaker Martin Romualdez na bubuksan sa publiko ang deliberasyon ng national budget, hindi lamang sa committee level, plenaryo kundi maging sa Bicameral conference committee.
“We will seek to open the bicameral budget conference to civil society observers — a historic first. Because transparency is not just a value; it is a weapon against corruption. This reform will not only earn public trust but will also strengthen inclusive and participatory governance,” ani Romualdez. (BERNARD TAGUINOD)
162 