KAMARA KAY CHIZ: HINDI KAMI NAGPAPABAGAL SA PAG-USAD NG IMPEACHMENT

ITINANGGI ng tagapagsalita ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na sila ang nagpapahirap sa proseso ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte at matigas ang kanilang ulo.

Kasabay nito, pormal nang isinumite ng House Impeachment Secretariat kahapon sa Fortun, Narvasa & Salazar Law Offices at maging sa Impeachment Court ang kanilang pleadings at entry of appearance ng mga dokumentong inaantay ng korte.

“Kaklaruhin natin kung ano ‘yung mga factual na pangyayari doon sa mga binanggit ni Senate President Chiz Escudero on June 11, during the last session day of the 19th Congress, a motion was made to defer the acceptance of the remand of the articles of impeachment which was approved by the plenary,” ani Atty. Princess Abante, spokesperson ng Kamara.

Sa kaso aniya ng entry of appearance, nilinaw ni Abante na hindi ito tinanggihan dahil hindi umano nagpakilala nang maayos ang mensahero ng Impeachment at hindi ipinaliwanag kung anong dokumento ang ibinibigay sa Mababang Kapulungan.

“Hindi naman sinabi kung entry of appearance to o para saan. Walang tinatanggihan, walang pinahihirapan. Ang gusto natin, isang trial na maisagawa forthwith,” depensa ni Abante sa pagtawag sa kanila ni Escudero na “matigas ang ulo”.

“Kasi dapat lang matuloy ang trial. Yun naman ang nakalagay sa saligang batas eh. Wala naman tayong pinaghuhugutang pang personal o pulitika. Ang sinusunod lang natin ‘yung nakalagay sa saligang batas which is to proceed with the impeachment proceedings forthwith,” ayon pa kay Abante.

Samantala, inaasahan ding magsusumite ang Prosecution panel ng sagot sa “answer ad cautelam” ni Duterte kung saan ipinababasura nito ang kaso dahil ‘basura” lamang umano ito at walang basehan.

Unang sinabi ni Atty. Antonio ‘Audie’ Bucoy na hanggang Sabado ang ibinigay ng Impeachment Court na panahon para sagutin ang “answer ad cautelam” ni Duterte subalit hindi na umano nila aantayin ang deadline na ibinigay sa kanila.

(BERNARD TAGUINOD)

34

Related posts

Leave a Comment