KAMARA NAGSIMULA NA SA CHA-CHA CONSULTATION

SINIMULAN na ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagkonsulta sa iba’t ibang sektor ng lipunan para sa isinusulong na pag-amyenda sa 1987 Constitution sa pamamagitan ng Constitutional Convention (ConCon).

Kahapon ay humarap sa grupo ang mga negosyante, academe at iba pang sektor sa unang araw na konsultasyon ng House committee on constitutional amendments na pinamumunuan ni Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez.

Isinalang sa committee consultation ang House Bill (HB) 5870 at House Resolution (HR) 460 na inakda ng grupo ni Deputy Speaker Ronaldo Puno na nagpapatawag ng ConCon na siyang mag-aamyenda sa 1987 Constitution.

Ayon kay Rodriguez, layon ng konsultasyon na alamin ang posisyon ng iba’t ibang sektor ng lipunan sa isinusulong na Charter Change sa pamamagitan ng ConCon bilang bahagi ng demokratikong proseso.

Sa ilalim ng panukala, 150 delegado ang bubuo sa ConCon na siyang mag-aaral kung anong mga probisyon sa saligang batas ang aamyendahan.

Kabilang na rito ang mga mahahalal na tig-tatlo sa 18 region ng bansa habang ang natitira mula sa iba’t ibang sektor tulad ng academe, legal experts at iba pa na itatalaga ng pangulo ng bansa.

Base sa batas, tatlong paraan ang pwedeng gamitin para amyendahan ang saligang batas – Constituent Assembly (ConAss), People’s Initiatives (PI) at ConCon.

Gayunpaman, mas pabor ang grupo ni Puno na idaan ang pag-amyenda sa pamamagitan ng ConCon dahil mas maraming sektor ang makikibahagi kumpara sa ConAss na mga mambabatas lamang ang bumubuo habang ang PI ay idinadaan sa pangangalap lamang ng lagda.

(BERNARD TAGUINOD)

39

Related posts

Leave a Comment