(BERNARD TAGUINOD)
SA bantang pagkalas ng tatlong pinakamalaking organisasyon ng mga healthcare provider sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), gumitna naman ang Kamara at kapwa sinabon ang magkabilang panig.
Ayon kay Deputy Speaker Bernadette Herrera, tila lagpas sa kapangyarihan at mandato ng PhilHealth ang pagsuspinde sa proseso ng pagbabayad nito sa mga pribadong ospital lalo pa’t may obligasyon bayaran ang mga pagkakautang batay sa kasunduan.
Gayunpaman, binalaan din ng kongresista ang mga pribadong ospital laban sa labis-labis na singil. Hindi rin aniya wastong samantalahin ang pagkakataon lalo pa’t nahaharap sa krisis ang bansa dulot ng patuloy na banta ng pandemya.
“In the time of pandemic, PhilHealth cannot abuse its powers to the detriment of the country’s health care system, including our medical frontliners who have been fighting against the coronavirus since the start of the health crisis last year,” ani Herrera kaugnay ng PhilHealth Circular 2021-0013 na nagtatakda ng walong buwang suspensyon sa pagbabayad sa PhilHealth claims ng mga pribadong pagamutan.
Katwiran ng PhilHealth, kailangan nilang repasuhin ang mga sinisingil ng mga pribadong ospital upang tiyaking hindi dinadaya ang kanilang tanggapan.
Lubos naman ang sama ng loob ng mga kinatawan ng Philippine Medical Association (PMA), Philippine Hospital Association (PHA) at ng Private Hospital Association of the Philippines (PHAP). Anila, hindi na kakayanin ng iba’t ibang pribadong ospital ang mag-abono pa dahil hindi pa rin umano sila binabayaran ng PhilHealth.
Sa kanilang pagtataya, hindi bababa sa P20-bilyong pagkakautang ng PhilHealth sa mga ospital kung saan tinutugunan ang mga pasyenteng hindi na kaya pang kalingain ng mga pampublikong pagamutan.
Tiniyak ng mga nasabing organisasyon na patuloy pa rin naman silang tatanggap ng pasyente hanggang sa matapos ang taon, bagamat wala na umanong kasiguruhan kung ipagpapatuloy pa nila ang pakikipagtulungan sa nasabing ahensya ng gobyerno pagpasok ng 2022.
Sa gitna ng hindi pagkakaunawaan ng magkabilang kampo, lubha namang nabahala ang mambabatas sa posibleng epekto ng iringan sa health system sa bansa. Abuso rin ani Herrera sa panig ng PhilHealth ang pasya nitong itigil ang pagbabayad ng kanilang obligasyon.
Paliwanag pa ni Herrera, posibleng maaapektuhan ang Universal Health Care Act na naglalayong protektahan at pangalagaan ang kalusugan ng bawat mamamayang Filipino.
“Umaasa po tayo na alam ng PhilHealth ang kanilang ginagawa dahil maaaring malagay sa alanganin ang ating health care system at lubhang maapektuhan ang pagsisikap ng pamahalaan na tugunan ang pandemya,” ayon pa kay Herrera.
Mungkahi pa ng kongresista, kailangan upuan ng PhilHealth at mga organisasyon ng mga pribadong ospital at medical professionals ang usapin.
Gayunpaman, ibinasura ng nasabing mambabatas ang alegasyon ng PMA, PHA at PHAP na nagsabing taktika ng PhilHealth ang nasabing circular para idelay ang pagbabayad sa kanila lalo na’t baon na sa utang ang state insurance firm.
“Nananawagan din po tayo sa ating mga ospital na huwag din magsamantala. Lahat ng stakeholders dito ay kinakailangan magkaroon ng joint responsibility at siguraduhing walang nang-aabuso sa sitwasyon,” ani Herrera.
PhilHealth
circular pinababawi
Samantala, hiniling ni Senador Grace Poe sa PhilHealth na bawiin ang Circular No. 2021-0013 na pumipigil sa pagbabayad sa mga pagamutan hinggil sa panggagamot sa COVID-19.
Sa pahayag, sinabi ni Poe, na hindi makatuwirang basta na lamang magpalabas ng naturang circular ang state insurer na lubhang makaaapekto sa operasyon ng mga pagamutan na kumakalinga sa mga biktima ng pandemya.
“We urge PhilHealth and hospital groups to reach a middle ground to straighten out disagreements on the payments of claims,”ayon kay Poe.
“PhilHealth must not resort to a sweeping mechanism that could further delay the settlement of legitimate obligations,” giit pa ng senador.
Sinabi ni Poe na nakasalalay ang kalusugan ng miyembro ng PhilHealth kapag hindi naresolba ang sigalot sa pagitan ng ahensiya at pagamutan.
Aniya, anomang pagkakaantala o hindi pagbabayad sa paniningil ng mga pagamutan, madidiskaril din ang pondo ng mga pagamutan upang bayaran ang mga medical frontliner. (May dagdag na ulat si ESTONG REYES)
