KAMAY NA BAKAL VS PASAWAY

PUNA

SUNOD-SUNOD ang mga post sa social media ng mga atake sa mga opisyal ng gobyerno lalo na kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Kamakailan nahuli ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang guro ng ­pampublikong paaralan na nakilalang si Ronnel Mas, 25, ng Sta. Cruz, Zambales dahil sa post nito noong Mayo 5, 2020 bandang alas-9 ng gabi sa twitter na nagsasabing magbibigay siya ng P50 milyon sa sinumang makapapatay kay ­Pangulong Duterte.

Sa mga mahusay sa lohika, basa nila na mababaw ang dahilan ng galit ng ­ungas este ni Mas sa ­pangulo at iyon ay walang iba kung hindi ang pagpapasara ng National Telecommunications Commission (NTC) sa paborito niyang ABS-CBN network.

Alam naman natin na kapag gustong sumikat ng isang tao, social media lang ang katapat nito. Kaya naman kasabay nang pagsikat ni Ungas (ay ni Mas pala) ay ang paghahanap sa kanya ng NBI. Hindi nagtagal nahuli ang guro na panay ang ginawang pag-iyak upang kunin ang simpatiya ng mamamayang Filipino.

Panay ang hingi ng “sorry” ni Mas na tila ginagaya ang estilo ng kanyang iniidolong network na bago humingi ng paumanhin ay sobra-sobrang sakit na sa kalooban ang naidulot.

Ang nangyari kay Mas ay nangyari rin kay ­Ronald Quiboyen, 40, obrero, ng Boracay Island, Malay, ­Aklan na inaresto ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) dahil sa panggagaya sa post sa social media ni Mas at dinoble pa ang pabuyang ibibigay sa makapapatay sa pangulo. Nagyabang pa ang loko na nasa Boracay siya kaya’t di na nahirapan sa paghahanap sa kanya ang mga awtoridad.

Marami pang mga katulad nina Mas at ­Quiboyen ang pinahahanap ng awtoridad dahil sa kung anu-anong ipino-post nila sa social media lalo na ang pag-atake sa presidente.

Sana lang, magising ang ating mga kababayan na maging responsable sa paggamit ng social media dahil pwede itong gamitin sa kanila. Nakakasama kasi ng loob na kapag nahuli sila ay sinasabing nawawala na ang demokrasya.

Para lang sa kaalaman ng lahat, hindi ibig sabihin ng demokrasya ay malaya na kayo sa nais ninyong gawin. May kaakibat na responsibilidad ang atin kalayaan.

Teka lang, tutal pinag-usapan ang mga pasaway, isama natin ang komento ng ilang suking taga-subaybay ng PUNA kaugnay sa pagdiriwang ng ika-55 kaarawan ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director P/MGen. Debold Sinas noong Mayo 8 kung saan ay maraming dumalo.

Hindi ba’t pulis ang nagpapatupad ng batas? Eh, bakit nilabag ni Sinas at mga bisita ang social distancing?

Nakakahiya naman Gen. Sinas na kayo pa ang lumalabag sa batas gayung kayo dapat ang nagpapatupad. Mahiya ka naman.

Kaya tayo mga ka-PUNA, ‘stay at home’ lang upang walang maging problema.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email ­joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.

184

Related posts

Leave a Comment